Hindi umano malayong isinama ng prosecution team sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang alegasyon ni Rodulfo Gracioso Jr., na naghatid umano siya ng bilyon-bilyong piso sa mga Duterte kung mas maaga itong nalaman ng prosecution.
Ito ang pahayag ni prosecution spokesman at adviser Robert Ace Barbers dahil pinagbibintagan umano ang prosecution team na nasa likod ng paglabas ng dating security officer ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
“Marami kasi ang nag-iisip na ito ay pinlano ng prosecution and there is no truth to that. Bakit? Dahil kung ito alam namin, bago kami nakapag-transmit ng ating articles of impeachment sa Senado, maarring naisama ito,” ani Barbers.
“Pero dahil nga ito ay bago, ito ay latest development kaya hindi namin ito pwedeng magawan ng isa pang article para maidagdag dahil hindi naman ina-allow ng rules iyan,” dagdag pa ng dating mambabatas.
Gayunpaman, inamin ni Barbers na kung mapapatunayan ang mga alegasyon ni Gracioso ay maaaring makadagdag ito sa mga ebidensya sa unexplained wealth article na kasalukuyang binibista ngayon sa Impeachment Court.
Magugunita na lumabas si Gracioso sa National Bureau of Investigation (NBI) para isiwalat na nagdeliber umano ito ng male-maletang pera sa mga Duterte kabilang na ang pangalawang pangulo na noo’y Mayor pa ng Davao City base s autos ni Velasco.
Tinataya ni Gracioso na umaabot ng mahigit P2 bilyon ang naideliber umanong itong pera kay VP, kapatid nito na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte at kanilang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na mula kay Velasco na komisyon umano ng mga ito sa mga infracture projects sa gobyerno.
“Unang-una ito yung malaking sorpresa para sa amin dahil hindi naman po namin ina-anticipate ito bagamat na very timely dahil yung usapin ngayon na article 2 ay pwede mong sabihin na pwedeng konektado dito,” ayon naman kay prosecutor at Manila Rep. Joel Chua.
Gayunpaman, sinabi ni Chua na masusi nilang pinag-aaralan ang affidavit at mga ebidensya ni Gracioso tulad ng mga larawang nilabas nito dahil maaari itong magamit sa unexplained wealth laban sa pangalawang pangulo.
“In short hindi naman po pwedeng i-dismiss namin o balewlain na. Pero siyempre kung ito iko-consider namin kailangan i-consider namin ito na may pag-iingat,” ani Chua. (Bernard Taguinod)


