WebClick Tracer

Alegasyon ni Gracioso laban sa mga Duterte beberipikahin – Sec. Remulla

Beberipikahin muna ng mga awtoridad ang mga alegasyon ni dating Police Patrolman Rodulfo Gracioso Jr. laban sa mga Duterte bago ito tanggapin bilang katotohanan, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

“Titingnan natin ’yung veracity ng kanyang sinabi, kung dinala niya talaga o kung may nadala. Hindi naman puwedeng agad accepted as katotohanan kaagad,” ani Remulla sa panayam sa media nitong Lunes.

“We will study him. He will undergo the rigorous procedures of investigation para ma-determine talaga kung totoo sinasabi niya,” dagdag niya.

Pag-aaralan din umano ni Remulla ang background ni Gracioso, na nasa kanya na.

“Alam mo, ’yung mga ganito kasi, maraming gusto magliyab ng sitwasyon eh. But, we will take all of his statements with all seriousness para malaman natin kung ano ang katotohanan,” sabi ni Remulla.

Bago nito, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na naging security detail ni dating House Speaker Lord Allan Velasco si Gracioso at na-dismiss sa serbisyo noong Setyembre 11.

Naunang sinabi ni Gracioso na nag-deliver siya ng mga maletang may lamang pera kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Rep. Paolo Duterte, batay umano sa utos ni Velasco.

Inihayag naman ni VP Sara na hindi niya kilala si Gracioso at wala siyang natanggap na pera mula rito. Itinanggi rin ni Velasco ang alegasyon. (AC)