WebClick Tracer

5 Pinoy seafarer mula MV Cape Dao ligtas nang nakauwi sa ‘Pinas

Ligtas nang nakauwi sa bansa ang limang Pilipinong seafarer na kabilang sa crew ng MV Cape Dao, na tinamaan ng projectile habang nasa karagatan sa labas ng Oman.

Matatandaang nangyari ang insidente noong Setyembre 23, kung saan kabilang ang limang Pinoy sa 28-man crew ng Indian-flagged cargo vessel na naglalayag mula Mina Saqr patungong India.

Batay sa ulat, tumama ang mga projectile sa port side ng barko at nagdulot ng pinsala sa accommodation area at bahagi ng engine room, na sinundan ng sunog.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), dumating ang mga Pinoy sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Qatar Airways Flight QR928 noong Setyembre 27.

Pagdating sa NAIA, sinalubong at inasikaso ang mga seafarer ng OWWA, Department of Migrant Workers (DMW) at MIAA Medical Team.

Ibinigay sa mga marino ang kinakailangang airport assistance, medical assessment, welfare support at special financial assistance bilang bahagi ng kanilang post-arrival assistance.

Katuwang din ang kanilang Licensed Manning Agency (LMA) sa mga susunod na hakbang, kabilang ang medical check-up, pansamantalang accommodation at onward travel bago sila tuluyang makauwi sa kani-kanilang pamilya.

Samantala, sinabi ng OWWA na magpapatuloy ang kanilang suporta sa mga apektadong seafarer kahit nakauwi na ang mga ito sa bansa.

Sa pamamagitan naman ng OWWA Regional Welfare Offices, tutulungan nito ang mga marino sa kanilang mga komunidad at iuugnay sa naaangkop na welfare at reintegration services batay sa kanilang pangangailangan at kwalipikasyon. (AM)