Inila-lobby ni Senior Citizen party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagkalooban na ng social pension ang lahat ng matatanda sa Pilipinas, na umaabot sa 11.42 milyon ang bilang.
Ginawa ni Ordanes ng mambabatas ang pagla-lobby ilang araw bago ang Elderly Pilipino Week na magsisimula sa October 1 hanggang 7 dahil sa kasalukuyan ay mahigit 4.1 milyon senior citizen klinasipika bilang indigent ang may social pension na P1,000 kada buwan.
“Hindi naman ibig sabihin na kapag hindi ka classified as indigent ay wala ka nang problema sa gamot, pagkain at araw-araw na gastusin. Maraming senior ang hindi officially poor pero financially vulnerable pa rin,” ani Ordanes.
Ayon sa mambabatas, maraming panukalang batas ang hindi umuusad sa Kongreso tulad ng House Bill (HB) 427 para amyendahan ang Universal Social Pension upang maisama ang lahat ng matatanda sa Pilipinas sa nasabing social pension program.
Naipasa na aniya ang panukalang ito sa Kamara noong 19th Congress subalit hindi naging ganap na batas dahil hindi naaksyunan sa Senado kaya hiningi na ng mambabatas ang tulong ni Marcos na isa na ring senior citizen.
“If full implementation cannot be funded in one year, Congress can agree on a phased schedule with a definite date for reaching full coverage, instead of starting the same debate again every Congress,” anang mambabatas.
“President Bongbong Marcos himself has just turned 69. He has said that he hopes to leave reforms that will continue beyond his administration. Universal Social Pension could be one such lasting legacy, a basic measure of security and dignity for generations of older Filipinos,” dagdag pa ni Ordanes. (Bernard Taguinod)


