WebClick Tracer

1-anyos gatekeeper dedbol sa pananaksak

Nasawi ang isang 61-anyos na gatekeeper matapos pagsasaksakin umano ng isang lalaki sa Palabrica Street, Barangay Queensrow Central, Bacoor City, Cavite.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Bacoor City Police Station, dakong alas-4:30 ng hapon noong Sabado nang magkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at isa sa mga suspek na sinasabing may kaugnayan sa selos.

Ayon sa isang saksi, nakita niyang sinaksak umano ng pangunahing suspek ang biktima habang pinipigilan naman umano ito ng dalawa pang kasama.

Tinangka umanong umawat ng saksi, ngunit iniwan ng mga suspek ang biktima at tumakas sakay ng motorsiklo patungo sa Queensrow Central Circle, habang nakita rin umanong may dugo sa braso at may dalang kutsilyo ang pangunahing suspek.

Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang isa sa tatlong suspek na kinilalang si Richard, 38, habang patuloy ang paghahanap sa dalawang iba pa na kapwa nakatakas.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang pagkuha at pagsusuri ng CCTV footage at pagsasagawa ng crime scene examination, habang inaalam pa ang iba pang detalye at motibo sa insidente. (Ronilo Dagos)