WebClick Tracer

VP Sara impeachment trial idaraos nang buong araw simula Oktubre 1

Nakatakdang idaos nang buong araw ang pagdinig ng Senate Impeachment Court sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte simula Oktubre 1.

Sa panayam sa programang “Point of Order” ng Abante, sinabi ni Impeachment Court spokesperson Atty. Regie Tongol na napagkasunduan ng mga senator-judge na palawigin ang oras ng mga pagdinig.

Sinabi ni Tongol na magiging araw-araw ang pagdinig mula Oktubre 1 hanggang 15, Lunes hanggang Biyernes, bago magsimula ang break ng impeachment trial.

“Lalagpas tayo ng usual na nakikita nila na 2:30 to 3:00 p.m. So baka lumagpas tayo hanggang mga early evening ng 6 or 7 p.m.,” ani Tongol.

Mula naman Oktubre 19 hanggang Nobyembre 18, walang impeachment trial dahil gagamitin ang naturang panahon para sa mga gawain ng Senate Committee on Finance.

Ayon kay Tongol, posibleng isa hanggang tatlo ang testigong maihaharap sa isang araw, habang mas mabilis ang pagdinig kung identification o authentication lamang ng mga dokumento ang gagawin ng mga testigo.

“Mukhang kakayanin na natin at hindi na tayo mag-bleed into the next day. Makakayanin din ng mga dalawa o tatlo depende sa klase ng witness na isasalang nila,” dagdag niya.

Posible rin aniyang matapos sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo ang presentasyon ng House prosecution panel kung hindi na nito ihaharap ang mga karagdagang testigo, bago magsimula ang depensa sa kanilang presentasyon.

Paroonin ang buong panayam sa September 27 episode ng “Point of Order” ng Abante.

Mapapanood at mapakikinggan ang programa tuwing Linggo, alas-11 hanggang alas-12 ng tanghali, sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)