WebClick Tracer

VP Sara defense team posibleng hindi maubos 30 araw para magharap ng ebidensiya

Maaaring hindi na maubos ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang 30 araw na hiningi nito para magharap ng ebidensiya dahil ang ilan sa mga saksi na inilista nito ay kanila nang na-cross examine nang ipresinta ng prosekusyon.

Inilahad ng prosecution counsel at legal spokesperson na si Atty. Benjamin Tolosa Jr. ang posibilidad na ito sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

“So, as a rule, hindi ho puwedeng basta-basta na lang ipatawag mo yung same na testigo lalo na’t nakapag-cross-examine na sila sa mga ’yan. Kailangan i-justify,” paliwanag ni Tolosa. “So if you’ll consider that maaaring mas mabawasan yung hinihingi ho nila na thirty days.”

Nakapaloob sa pretrial order ng Senate impeachment court ang 45 saksi ng depensa, kabilang ang 17 saksi na kapwa kabilang sa listahan ng dalawang panig. Nagmungkahi ang depensa ng 30 trial dates para sa kanilang presentasyon ng ebidensya.

“But sa isang banda hindi din natin sigurado kung magpipresenta sila ng ebidensya dahil nga ah ilang beses na sa pagdinig although they’re not saying that’s what they’re doing, but they’re saying that they may, you know, file, move for demurrer, meaning just ask for dismissal muna before presenting evidence,” sabi ni Tolosa.

Ayon sa depensa dapat munang tapusin ng prosekusyon ang kanilang kaso at tsaka sila magdedesisyon kung maghahain ng demurrer to evidence o hayaan na magdesisyon ang korte ng hindi sila naglalahad ng ebidensya dahil mahina ang kaso.

“So ang mahirap hong masabi at this point para sa amin yung hong oras na gugugulin ng depensa,” sabi ni Tolosa. “But we’re hoping ho before the end of the year tapos na to lahat.”

Nakumpleto na ng prosekusyon ang presentasyon nito ng ebidensya para sa Article IV, na nag-aakusa kay Duterte ng culpable violation of the Constitution, high crimes, at betrayal of public trust dahil umano sa pagkontrata sa isang tao upang patayin sina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez; at Article I, na nag-aakusa kay Duterte ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust dahil sa umano’y maling paggamit at mga iregularidad sa paggamit ng confidential funds.

Kasalukuyan itong nagpipresinta ng mga ebidensya para sa Article II, na nag-aakusa kay Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil umano sa pag-iipon ng yaman na hindi naaayon sa kanyang legal na kita at earnings habang nagsisilbing public official.

Nasa dulo ng listahan ang Article III, na nag-aakusa sa Bise Presidente ng bribery, graft and corruption, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust dahil umano sa pagbibigay ng monetary gifts o payments sa mga opisyal ng DepEd upang hikayatin silang lumabag at umiwas sa procurement at iba pang kaugnay na batas.