WebClick Tracer

Tuloy paglilitis kay VP Sara hangga’t walang TRO – Tolosa

Hangga’t walang inilalabas ang Korte Suprema na Temporary Restraining Order (TRO), tuloy umano ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang nabatid kay prosecution legal spokesman Atty. Benjamin Tolosa Jr. ukol sa petisyon ng mga kaalyado ni Duterte sa Korte Suprema sa isyu ng conviction threshold kung saan hiniling din ng mga ito na maglabas ng TRO.

“Well, basta ang malinaw ho diyan, kung walang ilalabas na temporary restraining order or any injunctive writ ang Korte Suprema, hindi puwede makaantala ‘yan sa kaso natin sa impeachment proceedings. Dapat tuloy-tuloy ang paggulong,” ani Tolosa.

Sinabi ni Tolosa na karapatan ng sinuman na maghain ng petisyon sa Korte Suprema kung merong basehan ang kanilang mga alegasyon subalit iginiit nito na walang nangyaring abuse of discretion.

Ipinaliwanag nito na malinaw aniya ang sinabi ni retired Chief Justice Artemio Panganiban na tanging ang Senado lamang ang may karapatan na mag-interpret kung ano ang ibig sabihin ng two-thirds votes.

“At ang sabihin nila, yung interpretation na gagawin nila hindi yung pwedeng iakyat yan sa Supreme Court, hindi yan pwede iaplia dahil ito ay isang political question and goes into the wisdom of the Senate when they say this is their interpretation of the two-thirds at maliwanag sa sabi nila puwede mo lamang by way of exemption na tingnan yan ng Supreme Court kung may grave abuse of discretion,” ani Tolosa.

Gayunpaman, sinabi ni Tolosa na mahirap patunayan na nagkaroon ng grave abuse of discretion dahil nagpatawag ang Impeachment court ng Amici Curiae, nagkaroon ng oral argument, nagtanong ang mga Senator-Judges bago dinesisyunan ng Impeachment court ang nasabing isyu.

“Sa madaling salita, malinaw na pinag-arala nila ng mabuti itong bagay na to bago ho sila nagdesisyon so mahirap sabihin (na may grave abuse of discretion),” dagdag pa ni Tolosa. (Bernard Taguinod)