WebClick Tracer

Trillanes maraming ikakanta sa impeachment trial

Naniniwala si House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na marami pang ikakanta si dating Sen. Antonio Trillanes IV kapag tumestigo ito sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Naniniwala si Ortega na manipis pa lamang ang nailabas ni Trillanes nang humarap ito sa naunang pagdinig sa Kamara de Representantes.

“Yung naipresenta po niya during the House committee hearings ay limited pa nga po ‘yun. Hindi pa na-allow lahat nung mga gusto niyang i-presenta kasi he was working under an hour sa time limit niya,” sabi ni Ortega.

Ayon sa solon, sinalubong ng pagdududa ang mga alegasyon ni Trillanes nang una niya itong ihayag ilang taon na ang nakalipas. Pero nagbago ang pananaw ng publiko nang lumitaw ang mas maraming ebidensyang sumusuporta sa kanyang mga alegasyon.

“Kung matatandaan niyo nung in-expose niya ‘to 10 years ago, eight years, nine years ago, parang wala nga pong naniniwala eh. Wala nga pong parang nagnanais na, kumbaga, they wouldn’t touch that part of his testimony until na umabot po sa Quad Comm, sa Blue Ribbon committee. Then people started looking at it more deeply. Ngayon, umabot na tayo dito sa impeachment,” sabi ng solon.

“At doon pa lang po sabi ko nga eh nag-corroborate na po lahat ng mga nilabas na impormasyon ni former Senator Trillanes. At hindi ako magtataka sa haba-haba ng krusada niya, hindi rin po ako magtataka kung mayroon pang dagdag,” dagdag pa ni Ortega.

Sa mga pagdinig ng House Committee on Justice, kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang ilang transaksyon sa mga account ng Pangalawang Pangulo na tumugma sa mga alegasyon ni Trillanes kung kailan pumasok umano ang pera mula sa illegal drug trade sa account ni Duterte.

“Ang sabi po niya most of the documents that he got were during the time that he was a senator. So meron po siyang access dun sa mga dokumentong yun. Pwedeng i-request kasi ng opisina niya yun eh,” sabi ni Ortega.

Kabilang si Trillanes sa mga testigong ihaharap ng prosekusyon, kasama si Davao City Mayor Sebastian Duterte. (Billy Begas)