WebClick Tracer

Torreon sa VP Sara wealth allegations: ‘Takot lang sila sa 2028’

Naniniwala si Atty. Israelito Torreon na may politikal na dahilan sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kanyang yaman at idineklarang business interests.

Sa panayam sa “Politiko Talks” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Torreon na kailangang patunayan muna ng House prosecution panel kung mayroon talagang business interest si Duterte sa Gencorp Industries Inc.

Ayon kay Torreon, hindi lumitaw ang pangalan ng bise presidente sa mga corporate record ng Gencorp na iniharap ng Securities and Exchange Commission sa impeachment proceedings.

“While it may be true that in the SALN, meron daw involvement si VP Sara du’n sa Gencorp, but the fact remains that when the SEC officer was actually presented, wala naman pala ‘yung pangalan niya. So therefore, ‘yung prosecution dito has to exercise its burden. It has to prove with specificity, meron ba talaga siyang interest diyan?” ani Torreon.

Sinabi rin ng abogado na kung mapapatunayan ng prosekusyon na may interes si Duterte sa Gencorp, saka pa lamang kailangang ipaliwanag ng bise presidente ang naturang deklarasyon.

Nang tanungin kung bakit nahaharap sa naturang mga alegasyon si Duterte, diretsahang sagot ni Torreon: “Takot lang talaga sila sa 2028, kasi unbeatable po ‘yung kandidato namin.” (IS)