WebClick Tracer

Teodoro: West PH Sea mahalagang talakayin sa 2028 elections

Dapat maging bahagi ng pangunahing talakayan sa 2028 national elections ang usapin ng West Philippine Sea, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Ayon kay Teodoro, nahaharap ang Pilipinas sa maraming hamon at kailangan nito ang lahat ng yamang-dagat nito.

“Ang kalaban natin dito ay paligoy-ligoy, ‘teka’ attitude, at panahon… on that score, napaka-importante ng leadership at ngayon, pumihit tayo sa napakatatag na adhikain sa West Philippine Sea,” ani Teodoro sa isang news forum nitong Sabado.

Binanggit ng defense chief na nahaharap din ang ibang karatig-bansa sa panghihimasok ng China sa South China Sea.

Samantala, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Adiong na dapat maging pangunahing highlight sa halalan ang interes ng bansa sa West Philippine Sea.

“I think itong issue ng China vis-a-vis ang ating territorial interest, dapat maging central po ito sa diskusyon kung sino po man ‘yung may balak na maging leader ng ating bansa,” ani Adiong sa parehong forum. (AC)