WebClick Tracer

Sen. Robin: Paghahanda para sa pelikula tungkol kay Rene Baterbonia patuloy

Si Senador Robin Padilla at direktor na si BB Gandanghari para sa pelikula ng yumaong Ateneo player na si Rene Baterbonia.

Patuloy ang paghahanda para sa pelikula tungkol sa buhay ng yumaong Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia, ayon kay Senador Robin Padilla nitong Sabado.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Padilla na “all set” na ang kanyang kapatid at direktor na si BB Gandanghari at ang mga filmmaker mula Mindanao para sa proyekto.

“Kahit ginigipit na po tayo kahit sa usaping pinansyal ng mga mapaniil na mga nagsasabing sila ay matitinong tao at pati mundo ng industriya ng entertainment ay kanilang pinupolitika,” ani Padilla.

Hindi naman siya nagbigay ng mga detalye tungkol sa sinasabing panggigipit.

“Hindi po tayo bumibitaw sa paglalahad sa pamamagitan ng pelikula ang buhay ni Rene Baterbonia,” dagdag niya.

Matatandaang nasawi si Baterbonia at kapwa basketbolista na si Divine Adili noong Hunyo 8 matapos malunod sa isang team-building activity ng Blue Eagles sa Dipaculao, Aurora.

Kasunod nito, binisita at naghatid ng tulong si Gandanghari sa pamilya ni Baterbonia at sinabing si Padilla ang dahilan kung bakit niya nalaman ang sitwasyon ng pamilya. (AC)