Naniniwala ang prosekusyon na bahagi ng delaying tactics ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang petisyon ng mga kaalyado nito sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa legalidad ng desisyon ng impeachment court na ibaba ang conviction threshold.
“Maari po, maaari na (delaying tactics),” ani Deputy Speaker Paolo Ortega V ukol sa inihaing petisyon ng grupo ni Atty. Vic Rodriguez sa SC noong Huwebes, isang araw matapos desisyunan ng Impeachment Court ang ibase ang 2/3 votes sa bilang ng present na senator-judges dahil apat sa 24 senador ay hindi nakakasali sa impeachment trial.
Dahil dito, mula sa 16 votes ay bababa sa 14 ang botong kailangang para maconvict si Vice President Sara Duterte kaya kinuwestiyon agad ito ng grupo ng dating executive secretary ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si Rodriguez na ngayon ay kaalyado na ng mga Duterte.
Ayon kay Ortega, inaasahan na nila ang petisyong ito ng kampo ng mga Duterte dahil sa Committee on Justice pa lamang aniya ay tinangka na ng mga ito harangin ang impeachment proceedings laban sa pangalawang pangulo.
“Actually mula pa sa Committee on Justice, pati po sa 19th Congress hanggang ngayon sa mismong nasa impeachment na tayo, di na tayo nagtataka at parang siguro parte na rin po ng estratehiya kasi kada galaw po ng committee, kada galaw po ng impeachment eh meron pong pagtatanong sa Supreme Court parte ho ng defense pati ng grupo ni VP Sara,” ani Ortega.
Gayunpaman, tulad ng mga unang desisyon ng Korte Suprema ng mga grupo, umaasa si Ortega na maibabasura ang petisyong ito ng kampo ni Duterte dahil walang basehan na nagkaroon umano ng abuse of discretion ang impeachment court sa kanilang desisyon na ibaba ang conviction threshold.
Ipinaliwanag ng mambabatas na malaking bagay ang pagharap ng mga dating SC Chief Justice Artemio Panganiban at Renato Puno at maging ang isinumiteng position paper ni dating SC Chief Justice Hilario Davide Jr na inimbitahan para kunin ang opinyon ng mga ito hinggil sa isyu ng conviction threshold.
“Napaliwanag po nila ng maigi na ang impeachment court ay may sariling, kumbaga meron siyang sariling teritoryo, may sarili siyang jurisdiction at lahat naman po ng umiikot dito, kanyang desisyon ng court, kayang desisyunan ng impeachment court,” ani Ortega. (Bernard Taguinod)


