WebClick Tracer

Pumping stations, high water-loss areas sa SJDM tututukan ng MPBW pagkatapos ng matagumpay na unang 100 araw

Tututukan ng Metro Pacific Water (MPW), na nagsisilbing interim water service operator sa San Jose del Monte bilang Metro Pacific Bulacan Water (MPBW), ang muling pagpapagana ng mga pumping station at pagbabawas ng water losses sa mga lugar na may mataas na non-revenue water (NRW) sa susunod nitong 100 araw.

Kasunod ito ng mga unang resulta ng rehabilitasyon ng water system, kung saan tumaas ang average daily water production sa 145.09 million liters per day (MLD) noong Setyembre 2026 mula sa baseline na 131.55 MLD na naitala noong Mayo 2026.

Sa unang 100 araw nito bilang interim water service provider, natapos din ng MPBW ang pagkukumpuni sa 789 sa 1,135 na kumpirmadong pipeline leaks, kasabay ng pagsisikap nitong patatagin ang water system na naapektuhan ng lumang imprastraktura, malalaking water losses, limitadong pumping capacity at mahinang pressure lalo na sa matataas na lugar.

“Sa unang 100 araw, inasikaso namin ang pagpapatatag ng sistema sa pamamagitan ng pagpapataas ng produksyon, pagkukumpuni ng mga tagas at pagtugon sa mga pinakaagarang problema sa serbisyo. Sa susunod na 100 araw naman, ang layunin namin ay mas maramdaman ng mga kabahayan ang mga improvement na ito sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan nating maihatid ang available na tubig sa buong sistema at mabawasan ang tubig na nawawala,” ani Engr. Roldan Pineda, Chief Operating Officer ng MPBW.

“Pero kinikilala rin natin na may ilan pa ring nakararanas ng mahinang pressure at intermittent na suplay. Patuloy na babantayan ng Pamahalaang Lungsod ang rehabilitasyon at makikipagtulungan sa MPBW upang masigurong ang mga improvement sa produksyon at imprastraktura ay maramdaman ng mas maraming kabahayan,” ani Atty. Rizaldy Mendoza, City Administrator.

Isa sa mga pangunahing tututukan ng MPBW ang pagpapanumbalik ng pumping capacity ng lungsod.

Nang pumasok ang MPBW sa San Jose del Monte, 11 lamang sa 34 pumping stations ang gumagana, dahilan upang malimitahan ang kakayahan ng sistema na maihatid ang suplay ng tubig at mapanatili ang sapat na pressure, partikular sa mga komunidad na nasa matataas na lugar.

Kabilang ito sa malalaking problemang pang-imprastraktura na minana mula sa dating operator matapos ang ilang taon ng hindi sapat na maintenance at rehabilitation.

“Patuloy ang aming technical assessment sa mga pumping station upang matukoy kung anong

rehabilitation o replacement ang kailangan sa bawat pasilidad. May ilang critical parts na kailangang i-import kaya nangangailangan ng karagdagang panahon para sa procurement at installation. Ginagawa natin ang lahat upang maibalik sa operasyon ang mga priority stations sa lalong madaling panahon,” dagdag ni Pineda.

Pinalakas din ng MPBW ang water treatment operations sa pamamagitan ng pagdaragdag ng bilang ng on-site chemists na mula isa sa ilalim ng dating operator tungo sa lima, na sinusuportahan din ng foreign technical expertise. Layunin ng dagdag na mga chemist na mapalakas ang araw-araw na monitoring ng treatment process at mas mapanatili ang consistent na water quality management, lalo na sa harap ng mataas na turbidity ng raw water na nagmumula sa Angat Dam.

Kasabay ng pumping station recovery, paiigtingin ng MPBW ang mga hakbang upang tugunan ang humigit-kumulang 47% NRW ng San Jose del Monte na ibig sabihin ay malaking bahagi ng tubig sa produksiyon ay nawawala dahil sa mga tagas o hindi naitatala nang tama dahil sa maling metering at iba pang komersyal na rason.

Kabilang sa mga susunod na hakbang ng MPBW ang calibration ng flowmeters, pagtukoy at

pagbibigay-prayoridad sa mga District Metered Areas na may mataas na NRW, mas pinaigting na leak detection at mas mabilis na repair works.

“Bawat leak na naaayos ay dagdag na tubig na maaaring makarating sa customers. Pero para mapababa natin ang NRW sa pangmatagalan, kailangan din natin ng mas maayos na measurement at visibility sa buong network para malaman kung saan pinakamalaki ang losses at doon maituon ang ating interventions,” dagdag ni Pineda.

Magpapatuloy ang emergency water delivery habang isinasagawa ang mga permanenteng pagpapabuti sa water network at supply. Sa unang 100 araw, nakapagsagawa ang MPBW ng 6,833 water-delivery trips at nakapaghatid ng 44.505 million liters ng tubig sa 51 barangays.

Mula sa apat na water tankers na available sa ilalim ng dating operator, nag-deploy ang MPBW ng 22 water tankers, katuwang ang 15 water lorries ng Task Force Tugon ng pamahalaang lungsod.

Umabot sa 6,679 kabahayan ang napagsilbihan sa pamamagitan ng emergency water delivery ayon sa datos hanggang Setyembre 6.

Kabilang din sa short-term interventions ang muling pagpapagana ng tatlong deep wells sa Francisco Homes–Guijo, Yakal at Kaypian, na nagbibigay ng karagdagang 1.5 MLD na suplay.

Pinalakas din ng MPBW ang customer service nito, kung saan 8,712 o humigit-kumulang 79% ng 10,990 customer concerns na natanggap ang naaksiyunan na.

Kasabay ng mga agarang hakbang, isinusulong din ng MPBW ang mga pangmatagalang infrastructure projects upang tugunan ang structural supply at pressure constraints sa lungsod.

Ang 3.4-kilometer Tanawin pipeline project ay idinisenyo upang makapaglipat ng karagdagang 15 MLD ng treated water at mapabuti ang serbisyo sa bahagi ng 16 barangays, na inaasahang makatutulong sa humigit-kumulang 15,000 kabahayan. Samantala, ang humigit-kumulang isang kilometrong Minuyan pipeline ay may potensyal na makapagdadala ng karagdagang 10 MLD para sa 17 barangays.

Target na makumpleto ang mga proyekto pagsapit ng Disyembre 2026.

“May malinaw nang progreso at determinado kaming ipagpatuloy ito. Patuloy naming palalawakin ang mga naabot sa unang 100 araw upang mas maraming San Joseño ang makaranas ng mas malakas na pressure, mas kaunting water interruptions at mas maaasahang serbisyo ng tubig,” ani Pineda.