WebClick Tracer

Prosekusyon palalakasin ang unexplained wealth case vs Sara Duterte

Target ng House prosecution panel na iharap ang mga rekord ng baril at real property, gayundin ang mga government contract, upang higit na mapalakas ang kaso nito kaugnay sa umano’y unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte, bukod sa mga financial at corporate records na naiharap na sa Senate impeachment court.

Ito ang sinabi ng counsel for the prosecution at legal spokesperson na si Benjamin Tolosa Jr. sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

“Bukod ho diyan (financial and corporate records) magpi-presinta din tayo ng mga representative from PNP Firearms and Explosive Office dahil titignan natin meron bang mga firearms na nasa ilalim ng pangalan ng bise presidente at na kanyang asawa na hindi na-disclose sa SALN,” sabi ni Tolosa.

“Titignan din natin through representative of PhilHealth Regional Office XI kung meron din kontrata ang mga kumpanya kung saan may financial interest umano ang bise presidente,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Tolosa na plano rin ng prosekusyon na magharap ng mga rekord ng real property upang matukoy kung idineklara ng Bise Presidente ang lahat ng mga ito sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN).

“Pati ho register of deeds titignan natin kung merong real properties na nakapangalan kay bise presidente o kanyang asawa na hindi din nalahad sa SALN,” paliwanag ni Tolosa.

“So ‘yan ho yung mga main witnesses well at kung mabibigyan pa ng oras nakasama na din sa listahan natin yung hong executive ng AMLC,” dagdag pa niya.

Nauna ng iprenisinta ng prosekusyon ang mga rekord mula sa Philippine Government Electronic Procurement System sa paglilitis na nagpapakita ng mga government contract na kinasasangkutan ng GenCorp Industries, isa sa mga kumpanyang iniulat na idineklara ni Duterte sa kanyang SALN.

Sinabi ni Tolosa na isa si dating Sen. Antonio Trillanes IV sa mga saksi na inaasahang magpapalakas sa ebidensya ng prosecution.

“Isa pa hong inaabangan ng mga kababayan natin at testigo si former Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV na naka-schedule na din ho na umupo po nitong darating na linggo,” dagdag pa ni Tolosa.

Nauna ng sinabi ni Trillanes na nakatanggap ng pera ang mga Duterte mula sa illegal drug trade. (Billy Begas)