Nanindigan ang transport group na Piston na tuloy ang nationwide transport strike sa Setyembre 29-30 sa kabila ng babala ng gobyerno tungkol sa posibleng penalty sa mga sasali sa protesta.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na hindi sila natatakot sa banta ng penalty at iginiit na karapatan umano ng mga mamamayan ang magprotesta at magwelga.
Kinuwestiyon din nila ang tugon ng administrasyong Marcos sa problema sa presyo ng langis at sinabing pananagutin nila ang gobyerno sa epekto nito sa kabuhayan ng mga Pilipino.
“Hindi tayo natatakot sa penalty na iyan, karapatan ng mamamayan ang magprotesta at magwelga laban sa mga inutil at mapang-abusong mga nakaupo,” pahayag nito.
“Pero matakot na ang LTFRB, ang DOTr, ang gobyernong Marcos, dahil ang mamamayan ang magpe-’penalty’ at magpapanagot sa kanila!” dagdag pa nito.
Hinikayat naman nila ang publiko na sumama sa mga strike center sa buong bansa sa Setyembre 29 at 30.
“TULOY ANG WELGA!” saad ng grupo. (IS)


