WebClick Tracer

‘Pinas kasamang nag-walkout sa talumpati ni Netanyahu sa UN

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang Pilipinas sa mga delegasyong lumabas sa United Nations (UN) General Assembly Hall habang nagtatalumpati si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu noong Setyembre 24.

Ginawa ng Pilipinas ang pag-walkout bilang pagpapakita ng pakikiisa sa panawagan para sa kapayapaan sa Middle East.

“The Philippines joined the walk out, in global solidarity for peace in the Middle East and the call for all parties to desist from unilateral actions that erode the conditions of peace and undermine the visibility of a future Palestine stat,” pagkumpirma ng DFA kay Ivy Reyes ng Bilyonaryo News Channel.

Sa mga kuhang video sa session, makikitang maraming delegado ang tumayo at lumabas ng hall nang umakyat sa podium si Netanyahu para magsalita.

Sinabi ng DFA na labis na ikinababahala ng Pilipinas ang humanitarian crisis sa Gaza, gayundin ang pagtutulak ng Israel sa E1 settlement plan at patuloy na pagtaas ng settler violence sa West Bank.

Ayon sa DFA, ang mga naturang hakbang ay nakasasama sa paghahanap ng “just, lasting and comprehensive solution” sa tunggalian sa Middle East.

Patuloy din umanong sinusuportahan ng Pilipinas ang “two-state solution” bilang landas tungo sa kapayapaan sa rehiyon. (IS)