WebClick Tracer

PBBM nagpasalamat sa lahat ng bumati sa kanyang kaarawan

Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng nagpaabot na pagbati sa kanyang kaarawan noong nakalipas na linggo.

Sa kanyang video vlog, sinabi ng Pangulo na halos hindi sila nakapagdiwang ng kanyang pamilya dahil sa mahigpit na schedule dahil mula sa pampanguluhang aktibidad nito sa Ilocos ay bumiyahe ito sa India para dumalo sa isang pandaigdigang summit.

Pagbalik sa bansa mula sa India ay nagkaroon ng salo-salo sa grounds ng Palasyo kasama ang mga kinatawan ng halos 98 na local government units.

Bilang bahagi aniya ng kanyang selebrasyon ang paghahatid ng serbisyo tulad ng zero balance billing sa 132 hospitals kung saan lahat ng pasyente noong mismong petsa ng kaarawan ay bayad na ang kanilang hospital bills, ang ibang pasyente ay umabot ng halos milyon ang hospital bill.

Nagkaroon din ng community at schools activity na naghatid ng pangunahing serbisyo tulad ng medical check-ups, libreng gamot at libreng wheelchairs na pinakinabangan ng mahigit 175, 500 beneficiaries.

Binasa rin ng Pangulo ang ilang sulat-pasasalamat mula sa mamamayan na nakatanggap nito.

Binanggit din ng Pangulo ang kanyang kapatid na si Irene-Marcos Araneta na nagdiwang ng kanyang kaarawan ngayong Setyembre, pati na rin ang official photographer ng kanilang pamilya noon pang panahon ng kanyang ama hanggang ngayon na si Willy Avila o mas kilala bilang “Tata Willy”. (Aileen Taliping)