WebClick Tracer

PBBM iniutos na palawakin ang serbisyo, suporta sa mga magsasaka

Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang tinatalakay ang pagpapalawak ng serbisyo ng irigasyon para sa mga magsasaka.

Bilang bahagi ng pagsisikap na madagdagan ang ani at mapalakas ang suporta sa mga Pilipinong magsasaka, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng pamahalaan na palawakin ang serbisyo ng irigasyon sa buong bansa sa susunod na taon.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, iminungkahi ng administrasyon ang P30.44 bilyon para sa National Irrigation Administration Irrigation Services Program.

Sa ilalim ng mungkahing Fiscal Year 2027 National Expenditure Program, ang pondo ang susuporta sa pagpapaunlad ng 11,153 ektarya ng bagong serbisyo ng irigasyon sa buong bansa.

Sinabi ni Castro na bahagi ito ng mas malawak na food security agenda ng pamahalaan kabilang na rito ang suporta sa mga magsasaka at mangingisda, produksiyon ng pagkain at pagpapataas ng ani.

Layunin din ng pagpapalawak sa sakop ng irigasyon upang tulungan ang mga magsasaka na makabawi sa mga panganib dulot ng klima, kabilang na ang potensiyal na epekto ng El Niño.

Sinabi ni Castro na naghahanap din ang gobyerno ng alternatibong solusyon sa irigasyon bilang bahagi ng pagsisikap na mapalakas ang suporta sa sektor ng agrikultura. (Aileen Taliping)