WebClick Tracer

PBBM iniutos ang agarang tulong sa mga biktima ng South Cotabato school shooting

Bibigyan ng gobyerno ng tulong pinansiyal ang mga nasugatan at pamilya ng mga nasawi sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato kamakailan.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Executive Secretary Ralph Recto na tiyaking maibigay kaagad ang kinakailangang tulong sa mga biktima ng pamamaril.

Agad namang pinakilos ni Secretary Recto ang Office of the Deputy Executive Secretary for Finance and Administration para sa mabilisang proseso at pagpapalabas ng tulong pinansiyal alinsunod sa umiiral na mga batas at patakaran.

Kasama sa direktiba ang pagsusumite ng progress report sa loob ng limang araw at mga susunod pang mga araw hanggang sa makumpleto ang pagbibigay ng tulong.

Ayon sa Palasyo, nauna nang naghatid ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong pamilya kasama na ang psychological first aid sa mga guro ng Banga National High School bilang bahagi ng pagtugon ng gobyerno sa insidente.

Sa naganap na insidente, tatlo ang nasawi kabilang ang shooter at anim ang nasugatang estudyante. (Aileen Taliping)