Isang espesyal na pagbati ang ibinahagi ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. para sa matagal na nilang family photographer na si “Tata Willy” na nagdiriwang ng ika-89 na kaarawan.
Sa vlog ng Pangulo ngayong Setyembre 27, ikinuwento niya ang matagal nang pagsasama nila ni Tata Willy, na nagsilbi ring photographer ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay PBBM, naging bahagi si Tata Willy ng mahahalagang pinagdaanan ng kanilang pamilya.
“Lingid sa kaalaman ninyo, si Tata Willy ay photographer pa ng aking ama, naging photographer na rin namin ngayon. Lagi namin siyang kasama kahit saan. Lahat ng pinagdaanan namin sa pamilya Marcos ay nandiyan siya,” kuwento ni Pangulong BBM.
Sinabi rin niyang nanatili sa kanilang pamilya si Tata Willy kahit pagkatapos ng termino ng kanyang ama at hindi na sila nakatira sa Malacañang.
“Pagkatapos na matapos ang termino ng aking ama at wala na kami sa Palasyo, sumama pa rin sa amin. Pagbalik ko naman sa Palasyo, nandoon na naman siya… lahat na lang ng dinaanan namin, nandiyan si Tata Willy,” ani PBBM.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, may espesyal na wish ang Pangulo para sa kanilang loyal photographer.
“Another 100 years Tata Willy,” aniya. (IS)


