WebClick Tracer

P3.15M ecstasy nasabat sa parcel mula Canada

Mahigit P3.15 milyong halaga ng hinihinalang ecstasy ang nasabat ng mga awtoridad sa isang operasyon sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Ayon sa PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), isinagawa ang operasyon noong Setyembre 25 matapos isailalim sa cargo x-ray screening at manual inspection ng Bureau of Customs personnel ang isang inbound parcel kasunod ng K-9 paneling ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Itinago umano ang ilegal na droga sa loob ng tatlong plastic container na naglalaman ng protein powder. Idineklara umanong nagmula sa Canada ang shipment at naglalaman ng mga bag, damit, tsokolate, laruan, supplement at footwear.

Natuklasan ang tinatayang 743 gramo ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga ng P3,157,750.

Samantala, inaresto ang 22-anyos na consignee ng shipment. Haharap siya sa mga paglabag sa ilang probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at falsification sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code.

Itinurn-over na sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang suspek at mga nasamsam na ebidensya para sa kaukulang disposisyon, habang nakatakdang hawakan ng National Bureau of Investigation ang kaso. (AC)