Iginiit ni Akbayan party-list Rep. Dadah Kiram Ismula sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na isama na sa pondo ng PhilHealth ang P143 bilyon parte nito mula sa sin tax upang hindi na umano magmakaawa ang mga Pilipino na humingi ng medical assistance.
Ginawa ng mambabatas ang panawagan sa kanyang mga kasamahan matapos matuklasan na mula 2023 ay umaabot na umano sa P143 bilyon na parte ng PhilHealth sa sin tax ang hindi inire-release ng gobyerno.
“May pera naman pala ang gobyerno mula sa sin tax na nakatabi para sa Universal Health Care pero bakit kailangan pa ring mamalimos ng ating mga kababayan sa AICS o MAIFIP kapag nagkakasakit?” ani Ismula.
Base sa datos na nakuha ng mambabatas, P69.8 bilyon umano na parte ng Philhealth sa sin taxes noong 2023 ang hindi ibinigay ng gobyerno; P16.6 bilyong noong 2024 ay P19.8 bilyon noong 2025.
Nais ng mambabatas na ilabas na ng buo ang pondong ito upang maidagdag sa P218 bilyong pondo ng Philhealth sa susunod na taon upang hindi na kailangang magmakaawa ang mga Pilipino na humingi ng tulong pinansyal kapag sila ay nagkakasakit.
“Ang pagbibigay ng karagdagang PHP 143 billion sa PhilHealth na naaayon sa batas ay hindi hinging-tulong ito ay karapatan ng mamamayan,” ayon sa mambabatas.
Samantala, isiniwalat ng mambabatas na tatlong pasyente ng breast cancer umano ang nabigyan ng P1.4 million sa ilalim ng Z benefit package ng Philhealth habang ang iba ay P100,000 lamang umano ang naitulong ng ng nasabing state insurance.
“Despite PhilHealth’s headline increase of its Z Benefit package for breast cancer up to P1.4 million, implementation remains dismal. In 2025, only three breast cancer patients nationwide successfully accessed the maximum PHP 1.4-million coverage, with most claimants receiving a mere P100,000,” anang mambabatas.
Hindi sinabi ng mambabatas kung paiimbestigahan niya ito subalit kailangang dagdagan aniya ang pondo ng Philhealth upang hindi na kailangang magmakaawa pa ang mga pasyente na sila ay tulungan lalo na’t may pera naman pero ayaw ipagamit.
“Para sa mga cancer patients na hindi na makatrabaho habang nagpapagamot, ang sapat na pondo sa PhilHealth ay lifesaving para sa kanila at sa kanilang mga pamilya. Kailangang tiyakin ng DBM at ng Kongreso na hindi bababa sa PHP 218 billion ang mapupunta sa PhilHealth para sa 2027,” ani Ismula. (Bernard Taguinod)


