WebClick Tracer

Mayor Baste, Trillanes sasalang sa unexplained wealth case sa VP Sara impeachment trial

Nakapila bilang testigo ng House prosecution panel sina Davao City Mayor Sebastian Duterte at dating Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment trial.

Sa Lunes, nakatakdang tapusin ng prosekusyon ang testimonya ni Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Division Chief Rendell Sopeña, na tumestigo noong nakaraang linggo kaugnay ng mga government contract na nakuha ng Gencorp Industries Inc., isang kumpanyang idineklara ng Bise Presidente bilang business interest sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).

Batay sa inihaing manipestasyon ng prosekusyon, tatawagin si Mayor Duterte upang tumestigo tungkol sa mga transaksyon ng GenCorp sa Davao City government.

Susunod na tetestigo si Atty. Gary Samonte ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Regional Office XI Bids and Awards Committee Secretariat kaugnay ng mga transaksyon ng naturang tanggapan sa GenCorp.

Batay sa mga rekord ng PhilGEPS, 49 kontrata na nagkakahalaga ng P35.878 milyon ang ibinigay sa GenCorp mula nang manungkulan ang Bise Presidente, kabilang ang 15 kontrata sa Davao City government na nagkakahalaga ng P34.217 milyon, 33 kontrata sa PhilHealth Region XI na nagkakahalaga ng P1.331 milyon, at isang kontrata sa Overseas Workers Welfare Administration Region XI na nagkakahalaga ng P330,000.

Inaasahan na susunod namang sasalang si Police Maj. Joe Rickson Sanggalang, Records Division chief ng Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosives Office, kaugnay ng mga baril na nakarehistro sa pangalan ng Bise Presidente ngunit hindi lumitaw sa kanyang SALN.

Susunod naman si Trillanes, na naunang tumestigo kaugnay ng mga malalaking deposito sa mga account ni Duterte.

Kasama rin sa listahan ng mga saksi sina Atty. Kathy Florence Baldonado ng Davao City Registry of Deeds, Atty. Marco Pineda, Deputy Register of Deeds III sa Samal Islands, at Atty. Ronei Buenaventura, Executive Director ng Anti-Money Laundering Council. (Billy Begas)