WebClick Tracer

Mayor Baste obligadong dumalo sa impeachment trial – Tolosa

Inaasahan ng House prosecution panel na dadalo si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte, kahit hindi ito mag-abiso kung haharap o hindi sa Senate impeachment court.

Ayon sa prosecution counsel at spokesperson na si Atty. Benjamin Tolosa Jr., obligado si Mayor Duterte na dumalo dahil sa subpoena na inilabas ng Senate impeachment court.

“Well, wala pa ho tayong natatanggap any information about that. Pero alam lamang ho natin ay nakatanggap na ho siya nung subpoena mula sa court nung nakaraan na linggo na to,” sabi ni Tolosa sa isang radio interview nitong Linggo.

“Well, basta naman ho kasi nakatanggap ng subpoena, hindi naman kailangan mag-notify kung sila ay mag-a-appear sa korte o hindi, dahil ang assumption diyan ay compulsory process ng korte ‘yan. Kapag na-serve-an ka ng subpoena, kailangan mong tumalima, kailangan mo hong magpakita sa korte at umupo bilang testigo,” paliwanag pa nito.

Inatasan ng Senate impeachment court si Mayor Duterte na humarap sa Setyembre 28, 29, at 30 at magdala ng mga rekord ng Davao City government na may kinalaman sa mga transaksyon sa GenCorp Industries at iba pang tinukoy na entidad.

“So inaasahan ho natin sana respetuhin ho itong subpoena na ito, talagang magpakita ho dito sa ngayong linggo na ‘to dahil maaalala ho natin as stated dun sa request namin for subpoena kung bakit namin gustong gawing testigo itong si Davao Mayor Baste Duterte,” sabi ni Tolosa.

Nagsalita na sa publiko si Mayor Duterte at kinumpirma na nagkaroon ng transaksyon ang Davao City government sa GenCorp.

Idineklara ng Bise Presidente ang GenCorp bilang isa sa kanyang mga business interests sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Sinabi ni Tolosa na pagtutuunan ng prosecution panel ang mga transaksyon ng GenCorp simula 2022, nang magsimulang manungkulan ang Pangalawang Pangulo.

“Ito yung gusto natin makita diyan dahil nung panahon na yan nakadeklara pa rin naman sa SALN ng bise presidente na meron siyang financial interest dito sa Gencorp industries,” sabi ni Tolosa.

“Kailangang matandaan ng mga kababayan natin na hindi ho ang prosecution ang nagsasabi na merong financial interest ang bise presidente… siya ang nag-indicate doon na may financial interest siya sa kumpanya na ‘to,” dagdag pa nito.

Pinagbabawalan ng 1987 Constitution ang pangulo, bise presidente at iba pang tinukoy na opisyal ng ehekutibo na magkaroon ng direkta o hindi direktang paglahok sa negosyo o pagkakaroon ng financial interests sa mga kontrata ng gobyerno habang nasa kanilang posisyon. (Billy Begas)