WebClick Tracer

Mas maraming trabaho sa ‘Pinas kailangan para mapigilan ang illegal recruitment – grupo

Mas maraming trabaho at sapat na sahod sa Pilipinas umano ang kailangan upang hindi mapilitang mangibang-bansa ang mga Pilipino at mabawasan ang mga nabibiktima ng illegal recruitment at human trafficking.

Sa panayam sa programang “Point of Order” ng Abante, sinabi ni Migrante International Deputy Secretary General Josie Pingkihan na isa sa mga dahilan kung bakit nangingibang-bansa ang mga Pilipino ay kakulangan ng trabaho at mababang sahod sa bansa.

Giit ni Pingkihan, dapat magkaroon ng trabaho sa Pilipinas na may job security at sahod na sapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilya.

“Ang pangunahing kampanya namin ay trabaho sa Pinas, hindi sa labas,” ani Pingkihan.

Sinabi rin niyang sinusuportahan ng Migrante International ang panawagang P1,200 minimum wage sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Pingkihan na marami pa ring Pilipino ang nabibiktima ng illegal recruitment at human trafficking, kabilang ang mga napupunta sa scam hubs sa Cambodia at Myanmar.

Ayon sa kanya, may mga kaso kung saan ibang trabaho ang iniaalok sa mga Pilipino bago sila umalis ng bansa ngunit iba ang ipinapagawa sa kanila pagdating sa kanilang destinasyon.

“Mag-ingat po tayo kung may mga ina-applyan po kayo, siguraduhin pong ’yung mga kompanya o bansa na nagre-recruit ay lehitimo na naghahanap talaga ng trabaho,” ani Pingkihan.

“Pagdating sa ibang bansa kung kayo ay na-recruit na, umugnay po sa aming mga chapters, Migrante International chapters sa labas ng bansa para kung mayroon po kayong problema o hindi magandang kalagayan sa trabaho ay puwede po kayong ma-assist,” dagdag pa niya.

Panoorin ang buong panayam sa September 27 episode ng “Point of Order” ng Abante.

Mapapanood at mapakikinggan ang programa tuwing Linggo, alas-11 hanggang alas-12 ng tanghali, sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)