WebClick Tracer

Legarda nanawagan ng mas matibay na aksyon ng gobyerno sa problema sa baha

Si Senador Loren Legarda habang nagbibigay ng pahayag ukol sa solusyon sa lumalalang problema sa baha.

Makalipas ang 17 taon nang manalasa ang Bagyong Ondoy sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon, sinabi ni Senador Loren Legarda na kailangang suriin kung bakit patuloy na lumalala ang pagbaha, lalo na ngayong may mga komunidad na dati ay bihirang bahain ngunit nakararanas na ng baha kahit matapos lamang ang maikling panahon ng malakas na ulan.

“Labimpitong taon na ang lumipas mula noong Ondoy, pero sa halip na mabawasan ang problema, kapansin-pansin na may mga lugar na dati ay hindi naman binabaha, ngunit ngayon, kaunting malakas na ulan lamang ay baha na,” pahayag ni Legarda.

Halos 4.9 milyong katao ang naapektuhan at 464 ang nasawi dahil sa Ondoy, ayon sa Post-Disaster Needs Assessment na pinangunahan ng pamahalaan.

Ayon kay Legarda, mahalagang balikan ang mga aral ng trahedya noong 2009 at suriin kung ang mga pondong inilaan, mga patakaran, at mga programang ipinatupad mula noon ay tunay na nakapagpababa sa panganib ng pagbaha sa mga komunidad.

“Kung may mga komunidad na mas madalas nang binabaha ngayon kaysa dati, kailangan nating alamin kung bakit. Saan napupunta ang tubig? Maayos ba ang drainage? Malinis ba ang mga estero at ilog? May mga daluyan ba ng tubig na natabunan o natayuan ng istruktura? Hindi natin masosolusyunan ang baha kung hahayaang mawala o maharangan ang natural na daanan ng tubig,” diin niya.

Binigyang-diin ni Legarda na hindi sapat ang mga konkretong imprastraktura lamang upang maiwasan ang pagbaha. Kailangang sabayan ang mga drainage system, pumping station, at floodway ng mahigpit na pangangalaga sa mga ilog, sapa, estero, at iba pang daluyan ng tubig upang hindi mabara o matayuan.

Mahalaga rin aniya ang pagpapanumbalik ng mga watershed, wetland, bakawan, kagubatan, at iba pang ecosystem na likas na sumisipsip, nag-iimbak, at nagpapabagal sa pagdaloy ng tubig.

“We need to work with nature, not continuously build over it. Ang watershed, wetlands, mangroves, ilog at mga berdeng espasyo ay bahagi rin ng ating flood protection system. Kapag pinrotektahan at ibinalik natin ang kakayahan ng mga ito na sumipsip at mag-imbak ng tubig, nababawasan ang pressure sa ating drainage at flood control infrastructure,” paliwanag ni Legarda. (Dindo Matining)