Ang bongga talaga ng BINI dahil apat na kanta na nila ang nakalagpas sa 100 million streams sa Spotify, ha!
Kamakailan lang ay tumawid na sa 100 million streams ang 2022 BINI hit na “Lagi”.
Kung tutuusin, late bloomer pa nga ang ‘Lagi’ kumpara sa mga kasamahan nitong BINI hits dahil nauna nang humataw ang ‘Pantropiko’ na may mahigit 214 million streams, at ‘Salamin, Salamin’ na nasa mahigit 209 million streams na.
May ‘Karera’ rin na hindi nagpahuli at mayroong 131 million streams.
At hindi lang naman sa Spotify pinag-uusapan ang nation’s girl group.
Kamakailan ay napansin din ang BINI sa Australia matapos silang ma-feature sa morning talk show na ‘Today Extra’.
Ibinahagi roon ng grupo ang kanilang ‘Signals’ world tour, ang makasaysayan nilang performance sa Coachella, at ang pagiging bahagi nila ng soundtrack ng DreamWorks Animation film na ‘Forgotten Island’.
Kaya naman hindi na nakapagtataka kung bakit kaliwa’t kanan ang ganap ng BINI sa ibang bansa. Next stop nila ang Auckland, New Zealand sa September 25, susundan ng Sydney, Australia sa September 27, Singapore sa October 25, at Taiwan sa November 15.
Mula sa Spotify milestones hanggang sa international shows at appearances, talagang ramdam ang suporta ng BLOOMs sa BINI. At ang nakakatuwa pa, habang patuloy na lumalawak ang audience ng BINI, mas nakilala din ng international fans ang OPM.
Kaya kung dati ay ‘Pantropiko’ lang ang naririnig natin everywhere, aba, baka madagdagan pa ang mga kantang BINI na aabot sa 100 million!
Iba talaga ang BINI, pang-global na talaga sila!
Bongga! (Dondon Sermino)


