Kailan pa napunta sa Leyte ang Taguig? Ito ang kailangang ipaliwanag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, matapos lumabas sa mismong ulat ng ahensya ang detalyeng sumasalungat sa pahayag nitong walang ghost projects sa Taguig, ayon kay Senador Panfilo Lacson.
Binanggit ni Lacson ang ulat tungkol sa isang proyekto sa Taguig na may Contract ID 220B0106, kung saan ang mga geotagged na litrato na kalakip ng billing reports ay may coordinates na “located approximately 600 kilometers away in LEYTE PROVINCE,” habang ang contractor nito ay isang kumpanyang pagmamay-ari ng pamilyang Discaya.
“Sec. Vince Dizon, please explain how this finding of your own team should not be flagged as a ghost project in Taguig, ” sabi ni Lacson sa kanyang post sa X.
Nakasaad sa finding na tinukoy ni Lacson na:
“Geotagged Photographs attached to Billing Reports contained coordinates pointing outside verified project limits. (e.g. metadata of Contract ID 220B0106 reflected coordinates located approximately 600 kilometers away in LEYTE PROVINCE.)”
Binigyang diin din ni Lacson ang koneksyon ng proyekto sa St. Timothy Construction, isang kumpanyang pag-aari ng mga Discaya na naiugnay sa mga kontrobersyal na flood control project.
“To further highlight the red flag, Discaya’s St Timothy ang contractor. What do you say about this, Sec?” ani Lacson.
Sinabi pa ng senador ang mga financial billing document ng proyekto, na nagpapakitang inilabas noong Hunyo 23, 2022 ang 15% advance payment na P13,738,755.81, kung saan ang lahat ng kalakip na billing photographs ay may coordinates sa Tacloban City, Leyte.
Ang unang partial billing na nagkakahalaga ng P37.162 milyon ay may petsang Hulyo 27, 2022 ngunit walang kalakip na larawan. Ang ikalawang partial billing na nagkakahalaga ng P19.174 milyon at may petsang Setyembre 12, 2022 ay may mga kalakip na larawan ngunit walang coordinates.
Ang ikatlong partial billing na nagkakahalaga ng P21.202 milyon at may petsang Setyembre 22, 2022 ay gayundin na walang coordinates ang mga kalakip na larawan. Ang ikaapat at huling billing na nagkakahalaga ng P18.960 milyon at may petsang Pebrero 22, 2023 ay mayroon ding mga kalakip na larawang walang coordinates.
Napansin ni Lacson na ayon din sa DPWH inspection report, ang mga coordinates na nakasaad sa geotagged photographs na kalakip ng Progress Billing at Final Billing ay hindi tumutugma sa aktwal na lugar ng proyekto na bineripika ng isinasagawang inspeksyon.
Noong Sabado, sinabi ni Lacson na ang pahayag ni Dizon noong Biyernes na walang ghost projects sa Taguig City ay tila salungat sa mga natuklasan sa sariling site inspection reports ng DPWH.
Ginawa ni Dizon ang pahayag sa subcommittee hearing sa panukalang 2027 budget ng DPWH, matapos siyang tanungin ni Sen. Alan Peter Cayetano kung may ghost projects sa Taguig na balwarte niya. (Dindo Matining)


