WebClick Tracer

Kahit 15 years ang age gap! Pamilya aprub sa relasyon nina Apple David, Chad Gammad

Sa unang pagkakataon, nagsalita na si PBA courtside reporter Apple David tungkol sa relasyon nila ng basketball player na si Chad Gammad.

Sa episode ng “Sports Ambush” ngayong September 27, ibinahagi ni Apple na tanggap at maayos ang relasyon nila ni Chad sa kanilang mga pamilya.

Ayon kay Apple, nasa Canada ang immediate family ni Chad pero nakakausap niya ang mga magulang at kapatid nito sa pamamagitan ng video call.

Nakilala na rin ni Chad ang pamilya ni Apple at naisama na rin umano niya ito sa isang family occasion.

“Nasa Canada kasi ‘yung immediate family niya pero I met his parents, and his sister via video call from time to time we video call. He met my family. Dinala ko na siya sa family occasion namin. Okay naman talaga, payapa naman,” ani Apple.

Ibinahagi rin ni Apple na hindi gaanong apektado si Chad sa mga batikos at komento ng netizens dahil lumaki ito sa Canada at ibang-iba umano ang kultura roon pagdating sa pakikialam sa personal na buhay ng ibang tao.

“Nagulat siya, bakit daw nakikialam ‘yung ibang tao. Eh alam mo naman sa ibang bansa, kanya-kanya, parang mind your own business,” kuwento ni Apple.

Ipinaliwanag daw niya kay Chad na bahagi na ng kanilang buhay ang mga komento ng publiko dahil pareho silang nasa mundo ng sports.

Sa kabila nito, sinabi ni Apple na hindi sila natinag sa mga pamba-bash.

“With all the bashing, hindi kami natinag, wala talaga,” aniya.

SERYOSO ANG RELASYON

Hindi rin itinago ni Apple na seryoso na ang relasyon nila ni Chad at mayroon na silang mga plano para sa kanilang future.

Gayunman, pinili muna niyang huwag magbigay ng maraming detalye dahil ayaw niyang bigyan ng dagdag na pagkakataon ang mga taong naghihintay ng intriga.

“It’s very serious, we have plans. I don’t want to say a lot about our plans. Kasi alam mo naman nakaabang ang mga abangers sa intriga… kasi mas maraming nakakaalam, mas maraming nakikialam,” saad niya.

Naging kontrobersiyal ang relasyon nina Apple at Chad dahil sa kanilang malaking age gap na 15 taon. Si Apple ay 33 years old habang si Chad ay 18 years old.

Mapapanood ang buong kuwento ni Apple tungkol sa relasyon nila ni Chad sa September 27 episode ng “Sports Ambush” sa Abante News TV, simulcast sa Bilyonaryo News Channel at Mellow 947. (Issa Santiago)