Magka-develop-an kaya ulit sina Joshua Garcia at Julia Barretto? Eh kasi naman, mapapadalas na naman ang pagsasama nila at hindi lang dito sa Pilipinas dahil madalas din silang magsasama sa ibang bansa, ha!
Well, panalong-panalo nga ang pelikulang ‘Always Yours, Never Mine’ na magbubukas na sa mga sinehan sa Pilipinas sa darating na Miyerkules (Setyembre 30), na mula nga sa direksyon ni Cathy Garcia-Sampana.
Well, ipapalabas nga kasi sa mga sinehan sa UAE, Qatar, Bahrain, Australia, New Zealand ang JoshLia simula October 22; US, Canada, at Guam simula October. 23; UK at Austria simula October 31; at Spain, France, at Italy simula November 1.
Pangungunahan din ng JoshLia ang European special screenings at meet-and-greet sessions ng pelikula sa UK sa Genesis Cinema London sa October 31, 10AM at 1PM. Magkakaroon din ng special screenings kasama ang lead stars sa Madrid, Spain sa Palacio de la Prensa Cinema sa November 1, 1PM at 6PM.
Bongga, di ba?
Well, siguradong marami ang magiging masaya dahil mapapanood na nga sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang JoshLia.
At sure ako, marami ang mapapaibig sa mga manonood, dahil iikot ang romantic drama film na ito sa buhay nina Apollo (Joshua) at Luna (Julia) na palaging pinagtatagpo ng tadhana sa loob ng tatlong dekada at binibigyan ng pagsubok sa pagpili na magdadala sa kani-kanilang landas na tatahakin at buhay na iiwan.
Inilarawan nga ni Joshua ang pelikula bilang napapanahong libangan, at umaasa siya na maraming manonood ang makaka-relate sa kwento at mga karakter nito.
“Feeling ko kailangan natin ito, ‘yung mga ganitong entertainment. Kailangan nating huminga, I think ito ‘yung hinga natin. I hope maraming maka-relate at makasabay sa characters nina Apollo at Luna,” sabi ni Joshua.
Para naman kay Julia, sinasalamin ng pamagat ng pelikula ang pagbibigay ng buong puso sa isang taong hindi kayang tumbasan nang lubos ang pagmamahal na natatanggap niya.
“It’s about your willingness to give your heart to somebody else who can’t give theirs back to you,” paglalarawan pa ni Julia.
Bongga! (Dondon Sermino)


