Dapat palakasin ng pamahalaan ang lokal na industriya upang makalikha ng mas maraming trabaho at kita para sa mga Pilipino, ayon kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa.
Sa panayam sa programang “Point of Order” ng Abante, sinabi ni Africa na hindi sapat na nakatuon ang mga ekonomista sa paglago ng ekonomiya, investments at exports kung hindi naman ito nararamdaman ng ordinaryong Pilipino.
Binigyang-diin niya na kahit mabilis ang paglago ng ekonomiya sa mga nakaraang taon, nananatili umanong mataas ang bilang ng mga Pilipinong nakararanas ng kahirapan.
“Para sa amin, ’yan ang ekonomiya. Dapat huwag na paligoy-ligoy, nababawasan ba ang nagugutom, nababawasan ba ang mahirap, tumataas ba kita ng ordinaryong manggagawa?” ani Africa.
Giit niya, kailangan ng Pilipinas ng sariling industriya na lilikha ng mga produktong ginagamit ng mga Pilipino at magbibigay ng trabaho sa loob ng bansa.
“Palakasin natin ang Pilipinong industriya para magkaroon ng trabaho at kita sa sariling bansa,” dagdag ni Africa.
Panoorin ang buong panayam sa September 27 episode ng “Point of Order” ng Abante.
Mapapanood at mapakikinggan ang programa tuwing Linggo, alas-11 hanggang alas-12 ng tanghali, sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


