Bagama’t hindi man maisasama sa Senate impeachment trial ang alegasyong paghahatid ng mga maletang may lamang pera na nagkakahalaga ng mahigit P2 bilyon kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na dapat imbestigahan ito ng kinauukulan.
“We will probably seek the intervention of the appropriate agency. In this case, this is the Ombudsman, who has to conduct the investigation and file the necessary charges if it merits the filing of such charges against the respondent,” sabi ni Barbers, adviser at spokesperson ng House prosecution panel.
Sa panayam ng Agenda Weekend ng Bilyonaryo News Channel noong Sabado, sinabi ni Barbers na nararapat sumailalim ang alegasyon sa parehong pagsisiyasat na ibinibigay sa mga akusasyon laban sa administrasyon at mga kaalyado nito.
Kung hindi umano totoo ang alegasyon ay magbibigay din ang imbestigasyon ng pagkakataon sa mga inaakusahan na linisin ang kanilang pangalan.
“So, ito ay hindi dapat i-ignore, at ito ay dapat imbestigahan mabuti, palaliman ang imbestigasyon nang sa ganoon lumabas ang katotohanan,” giit ni Barbers.
“In fairness, doon sa mga inaakusahan, kapag lumabas ang katotohanan, eh, mapapawalang-sala at mapapawalang-duda ang ating mga kababayan dito sa ating inaakusahan,” dagdag pa nito.
Ang alegasyon ay ginawa ni Police Corporal Rodulfo Gracioso Jr., na nagpakilala bilang dating head of security ni dating Speaker Lord Allan Velasco, na namuno noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Gracioso, mahigit 20 beses siyang naghatid ng mga maletang puno ng pera saBise Presidente sa utos ni Velasco, na ang kabuuang halaga umano ay lumampas sa P2 bilyon. naghatid din umano siya ng mga maleta sa dating Pangulo at sa anak nitong si Davao City Rep. Paolo Duterte.
Itinanggi ng Bise Presidente na kilala niya si Gracioso o nakatanggap siya ng pera mula rito.
“Pangalawa, ito ay galing mismo doon sa information na ito ay galing mismo doon sa pinagkakatiwalaang tao ng dating Speaker ng House of Representatives na alam po ng ating mga mamamayan na malapit na malapit sa Duterte family,” sabi ni Barbers.
Mariin ding itinanggi ni Barbers na may kinalaman ang House prosecution panel sa mga alegasyon ni Gracioso.
“Naku, wala. Wala tayong ganyan. Sana kung meron tayong ganyang nalalaman noon pa eh, dapat nailabas na rin ’yan at naisama ’yan dito sa mga Articles of Impeachment, o isa sa mga napupuntuhan natin dito sa Article of Impeachment,” giit ni Barbers.
“Dahil nga ito ay ngayon lang lumabas, dahil siguro merong witness na lumantad at nakonsensya, at gustong sabihin ito, at gusto niyang paimbestigahan ito,” dagdag ng dating solon.
Inamin ni Barbers na maaaring hindi na maiharap bilang karagdagang ebidensya sa impeachment trial ang alegasyon kaugnay sa sinasabing unexplained wealth ng Bise Presidente.
“Ang tinatalakay sa impeachment court ay ’yung napag-usapan dito sa impeachment pre-trial conference, at meron na pong trial order galing sa clerk of court, at ito ay mahalaga dahil ito ang magbibigay ng order doon sa pagtalakay ng mga isyu,” paliwanag ni Barbers.
“Dahil ito ay hindi naisama doon sa mga allegations na inihayag ng ating prosecution panel, maaaring hindi na ito mapag-usapan,” punto pa ng dating mambabatas. “Ngunit, it doesn’t mean that the government must ignore this issue, because it is a very important issue.”
Itinanggi rin ni Barbers ang mga pahiwatig mula sa mga kaalyado ni Duterte na may kaugnayan ang pagsisiwalat ni Gracioso sa presentasyon ng prosecution ng ebidensya kaugnay sa alegasyong unexplained wealth ng Bise Presidente.
“Hindi naman natin puwedeng turuan siya kung kailan niya dapat ilabas ito. Siguro nakita niya na panahon na ilabas niya ito, dahil siguro nababagabag siya ng kanyang konsensya, kung kaya’t nilabas niya ito,” paliwanag ni Barbers.
“It doesn’t necessarily follow that kung lumabas ito sa panahon na merong impeachment, ito ay ginawa ng prosecution. I don’t see any logic behind that,” dagdag pa nito. (Billy Begas)


