Naghahanda na ang gobyerno sa posibleng matinding epekto ng “moderate to very strong” El Niño na inaasahang mararanasan sa bansa hanggang sa susunod na taon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring magdulot ang matinding El Niño ng tagtuyot, kakulangan sa suplay ng tubig, problema sa suplay ng kuryente at matinding init na maaaring makaapekto sa kalusugan, lalo na ng mga bata at matatanda.
Inihahanda naman ng Department of Agriculture (DA) ang P10 bilyon para sa mga hakbang na nakabatay sa siyensiya upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa mga sakahan.
Bukod dito, mayroon nang P6.2 bilyon na inilabas ang Department of Budget and Management (DBM) para sa fuel at fertilizer subsidies ng mga magsasaka at mangingisdang maaapektuhan ng El Niño.
May nakalaan din umanong P3.5 bilyon para sa pagtatayo ng mga solar-powered irrigation facility.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, nakatuon ang mga programa ng kagawaran sa mga lugar na partikular na maaapektuhan at gagamitan ng mga siyentipikong pamamaraan.
Samantala, hinikayat ng PAGASA ang publiko na maging handa at matutong magtipid sa tubig habang nararanasan ang El Niño.
Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, karaniwang nagiging mas madalang ang mga weather system na nagdadala ng ulan kapag may El Niño.
“Kapag may El Niño ay karaniwang nagiging madalang ang ating weather systems na nagdudulot ng pag-ulan … at kadalasan ay nakakaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig, mapa-irrigation, power generation, just to name a few,” ani Perez.
Pinaalalahanan din niya ang water at energy sectors na magkaroon ng plano para matugunan ang posibleng kakulangan sa suplay ng tubig at kuryente.
“Siyempre kapag nandiyan na ang El Nino, dapat ‘yung pagtitipid natin sa tubig, i-maximize po natin ang paggamit ng tubig dahil alam natin na magiging madalang ang mga pag-ulan sa ating bansa sa panahon ng El Nino,” saad ni Perez.
Sinabi ni Perez na patuloy na imo-monitor ng PAGASA ang El Niño at iba pang weather systems upang matukoy kung aling mga lugar ang higit na maaapektuhan at makapagbigay agad ng abiso sa publiko.
Samantala, sa ilalim ng Executive Order No. 53 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2024, muling binuo ang Task Force El Niño upang tugunan ang matinding tagtuyot at dry spell at matiyak ang food security, sapat na suplay ng tubig at kalusugan ng publiko. (IS)


