WebClick Tracer

‘Fireworks’ inaasahan sa face-off nina Trillanes, Padilla sa impeachment court

Inaasahan ni Deputy Speaker Paolo Ortega V na magkakaroon ng “fireworks” sa paghaharap nina dating Senador Antonio Trillanes IV at Sen. Robin Padilla sa impeachment court sa susunod na mga araw.

“Medyo fireworks ‘yun” ani Ortega dahil inaasahan na tatanungin ni Padilla si Trillanes hinggil sa kanyang magiging testimonya ukol sa alegasyon nito na nagdedeposito ang isang umano’y drug lord sa bank accounts ng mga Duterte lalo na kay Vice President Sara Duterte.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na magkalaban sa pulitika sina Trillanes at Padilla kahit noong panahon na hindi pa senador ang huli dahil sa isa’t ibang isyu tulad ng usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Si Trillanes ay isa sa mga personalidad na ipinasubpoena ng prosecution team para tumestigo sa unexplained wealth article laban sa pangalawang pangulo na kasalukuyang nakasalang na sa Impeachment Court.

Ayon Ortega, umaasa ito na may mga karagdagang impormasyon na isisiwalat si Trillanes hinggil sa bank accounts ng mga Duterte na una nitong isiniwalat noong 2016 bago pa man kumandidato si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Hindi ako magtataka sa haba-haba ng kursada niya, kung baka naging misyon niya ito eh. Hindi rin ko ako magtataka kung meron pang dagdag (na impormasyon),” paliwanag ng mambabatas.

Magugunita na unang sinabi ni Trillanes noong 2016 na may bank account ang mag-amang Duterte na naglalaman ng P2 bilyon at noong humarap ito sa House committee ay sinabi nito na milyon-milyon ang idineposito umano ng isang umano’y drug lord sa mga Duterte.

Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bank accounts na unang tinutukoy ni Trillanes subalit dahil naisiwalat lahat dahil limitado ang oras ay hindi naipaliwanag ng husto ang bagay na ito.

“Pero siyempre mag-istick po siya lakas ng mga prensenta niyang punto. Dun pa rin siya sesentro pero di ako magtataka kung may bago rin po information,” paliwanag pa ng mambabatas. (Bernard Taguinod)