Tiniyak ni Senador Erwin Tulfo sa publiko na ang napipintong pagtanggal ng systems loss sa electricity bill ay hindi pwedeng bawiin ng electric companies sa ibang paraan.
Ang pahayag ay matapos ang ilang agam-agam ng mga konsyumer na baka pagtanggal sa systems loss charge ay bawiin naman sa distribution o supply charges ng mga kumpanya.
“Nakinita na namin ‘yang lusot na ‘yan at di yan pwede, Hindi naman maaaring tinanggal lang natin yung systems loss charge sa isang bahagi ng bill tapos makikita lang din natin isiningit na pala sa isang bahagi,” sabi ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Energy.
“Kaya itong isinusulong nating panukala, malinaw doon na bawal ma-recover ng mga distribution facilities at electric cooperatives ang allowed losses sa pamamagitan ng distribution wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges, subsidies, o kahit na anong bahagi ng bill” dagdag niya.
Ang panukalang tinutukoy ni Tulfo ay ang Senate Bill No. 2486 o ang “Systems Loss Charge Removal Act”, isang priority measure ng kasalukuyang administrasyon, na matagumpay niyang ini-sponsor sa plenaryo noong 22 Setyembre.
“Bakit kailangan konsyumer ang sasalo ng kuryenteng di naman niya ginamit? Bakit sasaluhin ng konsyumer kung di maayos yung pamamalakad o sira-sira ang gamit ng kumpanya?” pagtatanong ni Tulfo.
“Talong-talo ang konsyumer sa ganitong sistema. Dahil sila na ang sasalo ng gastos, sila pa ang gagastos ng di kagandahang serbisyo,” diin pa niya. (Dindo Matining)


