Tuloy ang nakatakdang tigil-pasada ng transport group na Manibela simula bukas, Setyembre 28 hanggang 30 sa kabila ng babala ng LTFRB na maaaring kanselahin ang prangkisa ng mga sasaling grupo.
Sa programang “Teletabloid” ng Abante News TV, inihayag ni Manibela Chairman Mar Valbuena na sanay na sila sa ganitong babala ng LTFRB.
Sinabi pa ni Valbuena na layon ng protesta nilang maibalik sa tamang presyo ang mga petrolyo, maging P2 ang pisong dagdag-pasahe na ipatutupad simula bukas at masuspinde ang excise tax sa diesel at gasolina.
Dagdag pa niya, kerosene at LPG lang kasi ang tinanggalan ng excise tax.
Hinaing pa ni Valbuena, marami ang naglalabasang reaksiyon kapag nagtataas ang pasahe, ngunit ni minsan ay wala siyang narinig na simpatya para sa mga tsuper kapag tumataas ang petrolyo.
Maliban dito, idinaing pa ni Valbuena na hindi sila nakikinabang sa diskwento sa petrolyo.


