WebClick Tracer

Bangkok idineklarang disaster zone matapos malubog sa baha dahil sa matinding pag-ulan

Malawakang pagbaha sa mga kalsada sa Bangkok matapos ideklarang disaster zone dahil sa matinding pag-ulan.

Idineklarang disaster zone ang buong Bangkok matapos ang halos 48 oras na tuloy-tuloy na malakas na ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha sa mga kalsada, bahay at establisimyento.

Pinaikli ni Prime Minister Anutin Charnvirakul ang kanyang biyahe sa London matapos umabot sa mahigit 300 millimeters ang ulan sa ilang lugar mula Huwebes ng hapon hanggang Sabado ng umaga, ayon sa mga awtoridad.

Dahil sa pagbaha, ilang residente ang napilitang lumusong sa tubig na hanggang baywang ang lalim, habang ang iba naman ay nagtulak ng kanilang mga motorsiklo at nagligtas ng mga gamit mula sa kanilang mga bahay at tindahan.

Nagdeklara ng state of disaster ang Bangkok Metropolitan Administration para sa lahat ng 50 distrito ng lungsod.

Ayon kay Bangkok Governor Chadchart Sittipunt nitong Sabado ng hapon, nag-“stabilize” na ang sitwasyon. Gayunman, inaasahan aniyang aabutin ng dalawa hanggang tatlong araw bago tuluyang humupa ang tubig kapag tumigil na ang ulan.

Puno na rin umano ang mga kanal sa lungsod kaya nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa mga kalapit na lalawigan upang mailabas ang tubig. Nag-ooperate naman umano sa full capacity ang mga pumping station ng Bangkok.

Ayon kay Chadchart, tinatayang 980 katao ang nananatili sa mga temporary shelter, habang 36 na bedridden patient ang inilipat sa mga ospital. Naghanda rin aniya ang lungsod ng isang milyong sandbag.

Dahil sa sitwasyon, sinabi ng mga awtoridad na isasara ang mga paaralan sa Bangkok sa Lunes at pinayagan ang ilang opisyal na mag-work from home.

Bukod sa Bangkok, naiulat din ang pagbaha sa 21 lalawigan sa Thailand, ayon sa Department of Disaster Prevention and Mitigation, habang inaasahan pa ang karagdagang pag-ulan sa Linggo. (AC)