Lumakas bilang typhoon ang Bagyong Queenie nitong Sabado ng gabi, Setyembre 26, ayon sa PAGASA.
Sa pinakahuling tropical cyclone bulletin nitong Linggo ng umaga, huling namataan ang bagyo 685 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 130 km/h at pagbugsong umaabot sa 160 km/h habang kumikilos pahilaga hilagang-silangan sa bilis na 15 km/h.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas ang Bagyong Queenie sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong tanghali o hapon. Paglabas ng PAR, bibilis ang pagkilos nito pahilagang-silangan patungo sa karagatan sa timog ng mainland Japan.
Posible ring lalo pang lumakas ang bagyo habang kumikilos sa karagatan sa timog ng Okinawa Islands bago magsimulang humina pagsapit ng Lunes. (AC)


