WebClick Tracer

Apple David kung bakit nagustuhan si Chad Gammad: ‘Gusto ko kasi lalaking-lalaki’

Ikinuwento ni PBA courtside reporter Apple David kung paano nagsimula ang relasyon nila ng basketball player na si Chad Gammad.

Sa episode ng programang “Sports Ambush” na mapapanood sa DWAR Abante Radyo at simulcast sa Bilyonaryo News Channel ngayong September 27, sinabi ni Apple na unang nagkita at nagkakilala sila ni Chad noong September 2025.

Ipinakilala umano sila ng isang teammate ni Chad na family friend ng pamilya ni Apple.

Simpleng pagpapakilala lang daw iyon at wala umanong intensiyong pagsamahin sila o ireto sa isa’t isa.

Nag-follow din sila sa isa’t isa sa Instagram pero wala raw silang naging komunikasyon noon.

Nagbago ang lahat noong Holy Week nitong 2026 nang mag-reply si Chad sa isang Instagram Story ni Apple.

“Doon na nag-start. And that conversation led to seeing each other in person at doon na nga nag-click, sabi nga nila,” kuwento ni Apple sa kanyang program co-host na si Ambet Nabus.

Aminado rin si Apple na noong una siyang ipinakilala kay Chad, may iba siyang dine-date at alam umano ito ng basketball player.

Hindi raw niya alam kung nagmamasid si Chad sa kanyang social media o hinihintay lamang ang tamang pagkakataon bago ito nag-DM sa kanya noong Holy Week.

“Hindi ko alam kung nagmamasid ba siya, tinitingnan ba niya ako on social media, but noong Holy Week this year nag-try siya. Nag-DM sa Instagram and then ‘yun na nabigyan na ng chance,” ani Apple.

Ayon pa sa kanya, ipinakita ni Chad kung gaano ito kaseryoso sa kanyang intensiyon.

“Ipinakita naman niya how serious he is. His intention tapos… sino ba naman tayo para humindi sa pagmamahal,” dagdag ni Apple.

Isa raw sa mga nagustuhan ni Apple kay Chad ang pagiging diretsahan nito.

Aniya, hindi niya gaanong naramdaman ang kanilang age gap dahil lumaki sa Canada si Chad at iba ang kultura nito.

“Hindi ko na-feel ‘yung age gap namin. Siguro kasi he was raised in Canada… iba ‘yung kultura very straightforward. Wala ‘yung mga pa-cute, pa-cute, pambobola… diretsahan lang talaga. Ako kasi gusto ko ‘yung ganoon… doon ako na-attract. Walang filter, mature, walang masyadong pretension,” saad niya.

Dagdag pa ni Apple, gusto niya ang lalaking malinaw sa intensiyon at hindi siya pinapaisip sa nararamdaman nito.

“‘Yung intention niya very straightforward din talaga. Gusto ko kasi ‘yung lalaking-lalaki. Hindi ‘yung pinapaisip ka pa,” sambit niya.

Sinabi rin ni Apple na mahigit dalawang buwan na siyang walang ine-entertain na ibang lalaki nang dumating si Chad sa kanyang buhay.

Naging kontrobersiyal ang relasyon nina Apple at Chad dahil sa kanilang malaking age gap na 15 taon. Si Apple ay 33 years old habang si Chad ay 18 years old. (Issa Santiago)