WebClick Tracer

Apple David hindi raw ramdam ang age gap nila ni Chad Gammad

Sa unang pagkakataon, nagsalita na si PBA courtside reporter Apple David tungkol sa relasyon nila ng basketball player na si Chad Gammad.

Sa episode ng “Sports Ambush” ngayong September 27, sinabi ni Apple na hindi raw niya nararamdaman ang malaking agwat ng edad nila ng baskebolistang dyowa.

Naging kontrobersiyal kasi ang relasyon nina Apple at Chad dahil sa kanilang age gap na 15 taon. Si Apple ay 33 years old habang si Chad ay 18 years old.

“Hindi ko na-feel ‘yung age gap namin. Siguro kasi he was raised in Canada… iba ‘yung kultura very straightforward. Wala ‘yung mga pa-cute, pa-cute, pambobola… diretsahan lang talaga. Ako kasi gusto ko ‘yung ganoon… doon ako na-attract. Walang filter, mature, walang masyadong pretension,” saad niya.

Para kay Apple, isa sa mga nakatawag ng kanyang pansin kay Chad ang pagiging malinaw nito sa intensiyon at hindi siya pinaghuhulaan sa nararamdaman nito.

“‘Yung intention niya very straightforward din talaga. Gusto ko kasi ‘yung lalaking-lalaki. Hindi ‘yung pinapaisip ka pa,” sambit niya.

PAANO NAGSIMULA?

Ikinuwento rin ni Apple kung paano sila nagkakilala at nauwi sa napakagandang relasyon.

Noong September 2025, unang ipinakilala sa kanya si Chad ng isang teammate nito na family friend ng pamilya ni Apple.

Simpleng pagpapakilala lang daw iyon at wala umanong intensiyong ireto sila sa isa’t isa.

Nag-follow sila sa Instagram pero wala raw silang naging komunikasyon noon.

Nagbago lamang ang lahat noong Holy Week nitong 2026 nang mag-reply si Chad sa isang Instagram Story ni Apple.

“Doon na nag-start. And that conversation led to seeing each other in person at doon na nga nag-click, sabi nga nila,” kuwento ni Apple sa kanyang program co-host na si Ambet Nabus.

Aminado rin si Apple na noong una siyang ipinakilala kay Chad ay may iba siyang dine-date at alam umano ito ng basketball player.

Hindi raw niya alam kung nagmamasid si Chad sa kanyang social media o hinihintay ang tamang pagkakataon bago ito nag-DM noong Holy Week.

“Hindi ko alam kung nagmamasid ba siya, tinitingnan ba niya ako on social media, but noong Holy Week this year nag-try siya. Nag-DM sa Instagram and then ‘yun na nabigyan na ng chance,” ani Apple.

Nilinaw naman ni Apple na mahigit dalawang buwan na siyang walang ine-entertain na ibang lalaki nang dumating si Chad sa kanyang buhay.

Ayon pa kay Apple, ipinakita ni Chad kung gaano ito kaseryoso sa kanyang intensiyon.

“Ipinakita naman niya how serious he is. His intention tapos… sino ba naman tayo para humindi sa pagmamahal,” dagdag niya.

Mapapanood ang buong kuwento ni Apple tungkol sa relasyon nila ni Chad sa September 27 episode ng “Sports Ambush” sa Abante News TV, simulcast sa Bilyonaryo News Channel at Mellow 947. (Issa Santiago)