Nangungutang umano ang ilang manlalaro ng Alas Pilipinas para lang may pamasahe papunta sa training at makauwi sa kanilang mga bahay bago ang kanilang pagsabak sa 2026 Asian Games sa Japan.
Ibinunyag ito ni team captain Bryan Bagunas matapos ang pagkatalo ng Pilipinas sa South Korea sa kanilang unang laro sa men’s volleyball tournament nitong September 27 sa Asian Games.
Ayon kay Bagunas, wala pa silang natatanggap na allowance mula pa noong Hulyo kaya hirap ang ilang players na pumasok sa ensayo.
“‘Yung mga player nangungutang na from the other players, or sa mga ibang tao para makapunta sa training and sa pauwi sa kanilang mga bahay,” saad ni Bagunas sa ABS-CBN News.
Sinabi rin niyang minsan ay pito o walo lamang ang nakakapag-ensayo dahil walang pamasahe ang ibang manlalaro dahil karamihan sa mga ito ay mga student-athlete.
“Sobrang tough para sa amin na mag-ensayo araw-araw,” wika niya.
“Hindi sila makapunta. ‘Yung iba walang pamasahe… nagtutulungan lang kami para mag-ensayo kami nang kumpleto. ‘Yung iba nanghihiram na talaga, wala kasi talagang pamasahe,” dagdag pa niya.
Kahit sa gitna ng kasalukuyang Asian Games, may mga pagkakataon din daw na mula na sa sariling bulsa nila ang pangkain nila kapag hindi sila umaabot sa meal schedule ng hotel dahil sa training.
Aminado si Bagunas na nakakalungkot ang sitwasyon dahil kumakatawan sila sa Pilipinas pero hindi nila nararamdaman ang suportang inaasahan nila.
“Sobrang nakakalungkot kasi nagre-represent kami for the country, then ayun, hindi namin napi-feel ‘yung suporta na dapat para sa amin. Sobrang naano lang ako lalo na sa mga bata,” aniya. (IS)


