WebClick Tracer

Aguda palpak, pinagbibitiw sa puwesto ng IT community

Si DICT Secretary Henry Aguda habang nahaharap sa mga panawagan na magbitiw sa puwesto dahil sa isyu ng Discord.

Maugong ang panawagan mula sa tech at IT community para magbitiw na sa puwesto si Secretary Henry Aguda ng Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil sa kapalpakan sa pag-block ng Discord, isang social media platform.

Unang inanunsyo ng DICT at ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na ibo-block ang Discord sa Pilipinas matapos ang ulat na nagamit ito para i-groom ang kabataang shooter sa Banga, South Cotabato.

Subalit ilang oras lamang ang binawi ng DICT at CICC ang pag block pagkatapos umalma ang mga IT expert at freelancers. Sabi ng dalawa, hindi nila alam na ginagamit pala ang plataporma ng maraming Pilipinong virtual assistant para kausapin ang mga kliyente nila abroad.

Ayon kay Carlo Ople, isang tech content creator, dapat ng mag-resign si Aguda dahil sa kapalpakan nito. “The way they handled this entire Discord issue is deeply concerning and frustrating. Ang lakas pa mag gas light ng Usec niya na parang tayo pa yung masama kasi we don’t agree with the ban. Hayup,” ani ni Ople sa kanyang post sa social media.

Sabi ni Art Samaniego Jr., isang IT journalist, nasira ang kredibilidad ng DICT at CICC dahil sa kapalpakan ni Aguda.

Sumangayon ang libo-libong social media users sa panawagan ng dalawa, at tinawag na “boomer” at “walang alam” si Aguda. Ipinagtataka ng mga netizens ang galaw ng DICT at CICC, dahil dapat ay sila ang mga eksperto sa IT at mga modernong teknolohiya.

Ayon sa mga sources, nanganganib ang posisyon ni Aguda dahil sa ilan pang kapalpakan at diumano’y korapsyon sa ghost internet projects na iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman.

Samantala, naghahanda naman si dating DICT undersecretary Jeffrey Ian Dy para kuwestyunin sa Korte Suprema ang mga naging aksyon ni Aguda.

Sabi ni Dy, dapat na matigil ang bara-barang pagba-ban ng mga social media platforms na sinimulan ni Aguda dahil walang basehan ito sa batas. Aniya, dapat ng matigil ang drama ni Aguda dahil naaapektuhan na ang pinagkakakitaan ng mga ordinaryong Pilipinong gumagamit ng internet at ng mga online tools. (Dindo Matining)