WebClick Tracer

Adiong: Impeachment trial hindi lang tungkol kay VP Sara

Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong habang nagpapaliwanag tungkol sa lakas ng impeachment case vs VP Sara Duterte.

Hindi lamang tungkol kay Vice President Sara Duterte ang Senate impeachment trial kundi para rin sa pagbibigay ng proteksiyon sa estado at interes ng publiko, ayon kay House prosecution panel spokesperson Zia Alonto Adiong.

“Ang usapin kasi sa impeachment is not really to prove one’s culpability. It’s actually protecting the state, the interest of the state, and the interest of the people,” sabi ni Alonto Adiong sa Saturday News Forum sa Quezon City.

Ayon kay Alonto Adiong na dapat ihiwalay ang impeachment proceeding sa ordinaryong criminal prosecution dahil ang pangunahing tanong dito ay kung dapat pa bang manatili sa puwesto ang respondent.

“Pinag-usapan po natin is fit ba siya na tumuloy bilang Vice President sa ating bansa,” punto ni Alonto Adiong.

Nililimitahan ng Konstitusyon ang Senate impeachment court sa pagpapataw lamang ng pagtanggal sa puwesto at disqualification sa paghawak ng public office, hindi tulad ng criminal courts kung saan maaaring mauwi sa pagkakakulong at multa ang isang conviction.

Iginiit ni Alonto Adiong na nagkapaghain ang prosekusyon ng matibay na ebidensya upang suportahan ang mga alegasyon laban kay Duterte.

“Base po doon sa presentation natin ng mga ebidensya at mga witnesses, mukhang klaro na po na meron talagang culpable violation against the Constitution, meron na pong betrayal of public trust,” sabi ng solon mula sa Lanao del Sur.

Nakapagharap na ang prosekusyon ng ebidensya kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at grave threats at kasalukuyang inilalatag ang mga ebidensya nito kaugnay sa umano’y unexplained wealth ni Duterte.

Sinabi ni Alonto Adiong na pinag-iisipan ng mga prosecutor kung kailangan pa bang magharap ng ebidensya sa bribery charge, ang huli sa apat na alegasyon. (Billy Begas)