WebClick Tracer

ADB popondo sa feasibility study ng tulay na magdurugtong sa Luzon, Visayas – DPWH

Isiniwalat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na popondohan ng Asian Development Bank (ADB) ang P500 milyong feasibility study para sa panukalang 20-kilometrong Sorsogon-Samar Transport Crossing (SSTC) na daraan sa San Bernardino Strait.

Ito ang sinabi ni DPWH Sec. Vince Dizon, sa pamamagitan ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr., na nag-sponsor ng panukalang 2027 budget ng departamento, sa pagtatanong ni House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan.

“We are very pleased that the ADB has decided to come on board the Sorsogon-Samar Transport Crossing (SSTC) project at this early stage,” sa pahayag na inilabas ni Libanan nitong Linggo.

“We never doubted the readiness of international development partners to support the project, considering its exceptionally high economic rate of return (ERR),” dagdag ni Libanan.

Pinangunahan ni Libanan ang grupo ng mga mambabatas mula Eastern Visayas na nagsusulong ng fixed link sa pagitan ng Matnog, Sorsogon, at Allen, Northern Samar, na magsisilbing permanenteng road connection sa pagitan ng Luzon at Visayas.

Inaasahang tatagal na lamang ng 20 minuto ang travel time sa pagitan ng Matnog at Allen, kumpara sa nasa 2.5 oras gamit ang kasalukuyang roll-on/roll-off (RORO) ferry system, na lalong tumatagal kapag mayroong port bottlenecks at masama ang panahon.

Sa budget deliberation noong Huwebes, sinabi ni Momo na ang P500 milyong commitment ng ADB ay idaragdag sa P130 milyon na unang inilaan ng Kongreso para sa feasibility study.

Inaasahang isasagawa mismo ng ADB ang bidding para sa feasibility study sa Nobyembre, na target na matapos sa loob ng 12 buwan.

Kasama sa susuriin sa isasagawang feasibility study ang oceanographic conditions, seismic risks, navigation, environmental at social impacts, at epekto ng mga bagyo at iba pang extreme weather events.

Sa nakaraang hearing ng House Committee on Appropriations, binanggit ni Dizon ang tinatayang 42% ERR ng SSTC, kumpara sa 33% para sa Bataan-Cavite Interlink Bridge.

Sinusukat ng ERR ang mga economic benefit na nalilikha ng isang proyekto kumpara sa gastos nito.

Kabilang sa mga benepisyong ito ang pagbawas sa travel time at vehicle operating costs, mas kaunting aksidente, pagbaba ng transport at logistics expenses, pagtaas ng trade at tourism, mas maraming trabaho at economic activity, at mas magandang access sa mga pamilihan at essential services.

Ayon sa project concept brief na inihanda ng T.Y. Lin International Group Ltd., isang San Francisco-based global multidisciplinary engineering firm, maaaring makalikha ang SSTC ng P975 bilyon na taunang economic benefits.

Sinabi sa brief na ang SSTC ang “the missing link” na “would close one of the most consequential gaps in the national highway system.” (Billy Begas)