WebClick Tracer

2 Pinoy dedo sa naaksidenteng bus sa Germany

Dalawang Pilipino ang nasawi habang ilan pa ang sugatan matapos maaksidente ang isang tour bus na may sakay na humigit-kumulang 40 hanggang 50 Filipino nationals sa A96 highway malapit sa Buchloe, Bavaria, Germany nitong Setyembre 27.

Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa Frankfurt na kasalukuyan itong nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Germany at handang magbigay ng consular assistance sa mga apektado at kanilang mga pamilya.

Ayon sa German news agency dpa, lumihis ang bus sa highway sa kanluran ng Munich bago ito tumaob.

Naganap ang aksidente bandang alas-6 ng umaga sa Germany.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente.

Ayon pa sa ulat, ang bus ay naglalakbay mula sa Zurich, Switzerland patungong Milan sa Italy.

Lahat umano ng 40 hanggang 50 sakay ng bus ay mga Pilipino.

Samantala, sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Consulate General sa Frankfurt na “deeply saddened” ito sa tragic bus accident na sangkot ang mga Filipino national. (IS)