Posible umanong mauwi sa “mistrial” ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte kung mapatunayang may substantive at procedural defects sa naging desisyon ng Senate impeachment court kaugnay ng voting threshold.
Inihayag ito ni Atty. Israelito Torreon sa panayam sa programang “Politiko Talks” ng Bilyonaryo News Channel.
Ayon kay Torreon, may dalawang usapin na maaaring maging batayan ng legal challenge.
Kabilang aniya rito ang constitutional requirement para sa two-thirds vote at ang pagbabago sa interpretasyon ng voting threshold habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
“Well, that is a valid argument, substantively and procedurally,” pahayag ni Torreon.
Ayon sa kanya, substantive ang usapin dahil nakasaad umano sa Constitution ang requirement na two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado ang kailangan para sa conviction.
Hindi aniya ito maaaring maapektuhan o mabawasan sa pamamagitan lamang ng boto ng Senado dahil ang Constitution ang pangunahing batas na dapat sundin ng mga Senate rules.
Bukod dito, sinabi ni Torreon na maaari ring kwestiyunin ang pagbabago sa interpretasyon ng voting threshold habang nagpapatuloy na ang paglilitis.
Matatandaan na noong Setyembre 23, binawi ng Senate impeachment court ang naunang interpretasyon na nangangailangan ng fixed na 16 boto para ma-convict si Duterte.
Sa halip, itinakda nito na ang denominator ay ibabatay sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa proceedings.
Para kay Torreon, kung mapatunayang may paglabag, maaaring kuwestiyunin ang validity ng proceedings.
“So if you violate these two principal considerations, then there is a probability that since this is substantively defective, procedurally questionable, then there can be a mistrial. That is a valid argument to my mind,” saad ni Torreon.
Panoorin ang buong panayam kay Torreon sa September 25 episode ng “Politiko Talks”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Biyernes, 8:00 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


