WebClick Tracer

VP Sara: Hindi ko kilala si Rodulfo Gracioso Jr.

Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si Rodulfo Gracioso Jr., dating security officer ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, at sinabing wala siyang anumang perang natanggap mula rito.

“I do not know Rodulfo Gracioso Jr., nor have I ever received any money from him,” pahayag ni Duterte nitong Sabado, Setyembre 26.

Kasabay nito, hinihintay na umano ng kanyang mga abogado ang opisyal na kopya ng affidavit ni Gracioso mula sa National Bureau of Investigation (NBI) bago simulan ang paghahanda ng mga kasong isasampa laban dito.

“Once we are done dismantling the lies contained in his testimony, it will end up in the trash bin—just like the one from Ramil Madriaga,” ayon pa sa pangalawang pangulo.

Tinawag din ni Duterte na isang “media stunt” ang mga alegasyon at sinabi niyang bahagi umano ito ng pagtatangkang pabagsakin siya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“This is nothing more than another media stunt, an attempt to breathe life into a faltering impeachment case,” aniya.

“The desperation of the administration to bring me down, push for Charter Change, prevent the 2028 elections, and cling to power is becoming increasingly diabolical,” dagdag pa niya.

Iniimbestigahan ng NBI ang pahayag ni Gracioso na naghatid umano siya ng mga maleta na naglalaman ng pera kina VP Sara, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, batay umano sa utos ni Velasco.

Ayon kay Gracioso, mahigit P2 bilyon ang kabuuang perang naihatid umano niya kay VP Sara, nagdala siya ng pera kay dating Pangulong Rodrigo sa Malacañang mula 2018 hanggang 2022, at naghatid ng P100 milyon kay Rep. Pulong. (AM)