Inihayag ni Vice President Sara Duterte na nasa kapangyarihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso.
Ito ang reaksyon ng pangalawang pangulo matapos kumpirmahin ni Marcos na nilagdaan na niya ang pagpapalaya kay Veloso.
Sa panayam sa Davao City noong Biyernes, Setyembre 25, sinabi ni Duterte na maaaring magbigay ng clemency ang pangulo matapos suriin ang kaso.
“Ang pagpa-pardon naman ay nasa ano ng Pangulo, nasa power ‘yun ng isang Pangulo,” aniya. “So, kung tingin niya at sa review at recommendation ng Parole and Pardon Board ay dapat magbigay ng pardon.”
Hindi naman nagbigay si Duterte ng karagdagang pahayag at detalye tungkol sa kaso ni Veloso.
Inilipat si Veloso sa kustodiya ng Pilipinas noong Disyembre 2024 matapos ang ilang taong pagkakakulong sa Indonesia, kung saan nahatulan siya ng kamatayan dahil sa kasong drug trafficking.
Nakatakda sana siyang i-firing squad sa Indonesia noong 2015 ngunit nasuspinde matapos maaresto ang babaeng umano’y nag-recruit sa kanya. Tumayong testigo si Veloso sa isinagawang paglilitis. (AM)


