WebClick Tracer

Taxi driver na nanghalay ng pasahero habambuhay nang bawal magmaneho

Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng perpetual revocation o lifetime ban ang lisensya ng isang taxi driver na sangkot umano sa panghahalay sa kanyang pasahero.

Nauna nang inisyuhan ng LTO ng show cause order ang driver at operator ng naturang taxi matapos maiulat ang reklamo ng pasahero na hindi siya ibinaba sa itinakdang drop-off point matapos makatulog sa biyahe at dinala sa ibang lugar kung saan umano siya hinalay ng driver.

Sa imbestigasyon at pagdinig ng Intelligence and Investigation Division, kinumpirma umano ng driver na siya ang nagmamaneho ng taxi noong Setyembre 12, dakong alas-3 ng madaling-araw.

Inamin din umano niyang nagkaroon ng sekswal na aktibidad sa loob ng kanyang sasakyan.

Idineklarang improper person to operate a motor vehicle ang driver, habang napatunayan ding lumabag ang operator sa mga kasong breach of franchise at employing a discourteous driver.

Dahil dito, pinagbawalan ang driver na makakuha ng anumang uri ng driver’s license.

Nananatili naman sa alarm status ang naturang sasakyan, ayon pa sa LTO. (AC)